Babaeng dinukot ng dayuhang ex-bf, nasagip sa Siargao dahil sa kutob ng kaniyang kakambal

Dahil sa kutob na may hindi magandang nangyari sa kaniyang kakambal, kaagad na gumawa ng paraan si Louise upang mahanap si Denise. At hindi siya nagkamali nang matunton niya ito sa Siargao matapos umanong sapilitang itago at sinaktan pa ng dating nobyo na isang dayuhan.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” nitong Linggo, ibinahagi ni Louise na nag-alala siya matapos hindi makontak sa loob ng tatlong araw ang kaniyang kakambal na si Denise na nasa Siargao noon.
Lumaki ang kambal sa pangangalaga ng kanilang lola sa Cagayan de Oro, na palaging nagtutulungan at umaasa sa isa't isa. Pareho rin silang nagtrabaho bilang mga call center agent.
Ayon kay Louise, naramdaman niyang may hindi magandang nangyayari sa kakambal nang biglang tumigil si Denise sa mga nakasanayan nilang paraan ng komunikasyon.
"Hindi siya nagse-send ng reels. That gave me question sa sarili ko. I'm not feeling well at that time," saad ni Louise na sinimulang mag-imbestiga.
Hinala ni Louise, may kinalaman ang dating nobyo ni Denise na isang Turkish man na itinago sa pangalang "Abdul," sa pagkawala ng kaniyang kakambal.
Noon pa man, nasabi na umano sa kaniya ni Denise na nananakit si Abdul.
"I'm giving her advices. As a sister, as a family, 'yun lang naman 'yung magagawa natin. At the end of the day, it's her decision," saad ni Louise.
Matapos ang ilang araw, biglang nakatanggap ng mensahe si Louise mula kay Denise. Gayunman, lalo siyang naghinala nang tumanggi itong magpakita sa video call at bigla na lamang gumamit ng wikang Ingles sa kanilang pag-uusap, na hindi naman nila nakasanayan.
Kalaunan, nagpadala si Denise ng mensahe gamit ang mga salita at ekspresyon na silang dalawa lamang ang nakakaintindi.
"Sabi niya, 'Aan siya-shh'. Tapos, i-nunsend niya," ani Louise.
Nagtanong din si Louise na, "Bisbihak ka sa suya?" o kung dinukot ba siya, at nag-Oo naman umano si Denise.
Matapos masagip, ipinaliwanag ni Denise na siya ang nagpadala ng mga mensahe at sinadya niyang gumamit ng Ingles dahil alam niyang mapapansin ng kaniyang kapatid ang kakaibang pagbabago sa kanilang paraan nila ng komunikasyon.
Ginamit din niya ang kanilang lihim na code na maituturing na sarili nilang bersiyon ng gay language.
Upang matunton ang eksakto niyang kinaroroonan, palihim na ini-on ni Denise ang GPS ng kaniyang cellphone hanggang sa dumating si Louise sa isang villa, na may kasama nang mga pulis sa Siargao.
May mga pasa at sugat si Denise
Pagdating nina Louise at ng mga pulis sa villa, nakaharap nila si "Abdul," na tumangging papasukin sila. Pero wala nang nagawa ang dayuhan nang sapilitan nang pumasok ang mga awtoridad.
Nakita sa loob ng isang kuwarto si Denise na may mga pasa at sugat sa mukha.
"Nanginig ako. Hindi naiyak. Like, emotional. Kasi, no one… walang sister na [gustong] makita 'yung sister mo na ginanyan. Especially, I know that kind of feeling," saad ni Louise.
Inaresto ng mga pulis si "Abdul," na nahaharap ngayon sa mga kasong serious illegal detention, forcible abduction with rape, at paglabag sa Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.
Sinubukan ng KMJS na kunin ang panig ng dayuhan habang nasa kustodiya siya ng pulisya sa Siargao. Subalit tumanggi siyang magsalita maliban na lang kung papayag umano si Denise na makipag-usap sa kaniya.
Pero wala pang balak si Denise, na makipag-usap sa dayuhan sa ngayon.
"It's impossible na makipag-usap ako for now. Siguro pag-ready na ako, pero I don't think there's a reason for me and him to talk about," saad niya.
Unang pagkikita
Ayon kay Denise, nakilala niya si "Abdul" nang nagbakasyon siya sa Bali, Indonesia, noong nakaraang taon. Isang taon na umano sa lugar ang 34-anyos na dayuhan na kumikita sa pamamagitan ng cryptocurrency trading.
Noong una, nakita niya ito na presentable at maginoo. Ngunit bago pa man sila magkaroon ng relasyon, nakita na niya ang pagiging marahas nito nang minsan may makipag-usap sa kaniya na ibang lalaki.
Ayon kay Denise, galit na isinakay umano siya ni "Abdul" sa sasakyan at dinala sa villa.
"Pinasok niya ako sa sasakyan. Tapos, sinuntok niya ako," ani Denise.
Pero humingi ito ng paumanhin kalaunan at nangakong magbabago. Sa mga ipinakitang kabutihan, pumayag siya at opisyal na silang nagkaroon ng relasyon.
Subalit naulit umano ang mga pananakit sa kaniya kaya nagpasya siyang umuwi sa Pilipinas upang makalayo sa dayuhan. Ngunit nagpatuloy pa rin ang kanilang komunikasyon hanggang sa puntahan siya ni "Abdul" sa Cagayan de Oro City.
Ayon kay Denise, nakaapekto sa kanilang relasyon ang pagiging abala ng Abdul sa cryptocurrency trading. Madalas umano itong nakatutok sa cellphone sa halip na makipag-ugnayan sa kaniyang pamilya at mga kaibigan.
Kalaunan, tinapos ni Denise ang kanilang relasyon sa pamamagitan ng text message at bina-block ang lalaki.
Kasunod nito, nagbakasyon siya sa Thailand kasama ang isang kaibigan.
Sa kabila ng kanilang paghihiwalay, sinabi ni Denise na patuloy pa rin umanong sinusubaybayan ni "Abdul" ang kaniyang kinaroroonan sa pamamagitan ng Facebook account ng kaniyang kaibigan.
"Creepy siya. Sinusundan niya talaga kami kung saan kami. Imagine palipat-lipat na kami ng place ng Thailand," kuwento ni Denise.
Pinasok sa villa
Hanggang sa nakatanggap siya ng matitinding pagbabanta mula sa lalaki. Dito na bumalik si Denise sa Pilipinas at nanatili sa Siargao dahil pamilyar sa kaniya ang isla at inakala niyang mas ligtas siya roon.
Ngunit natunton pa rin siya ni "Abdul." At sa isa nilang pagtatagpo, kinuha umano ng dayuhan ang kaniyang cellphone at nagpumilit na mag-usap sila.
Nakarating sa mga pulis ang insidente kaya nadetine ito pero nakalaya rin kinalaunan.
At habang natutulog sa isang villa sa Siargao, nagising na lang umano si Denise na nasa harapan niya si "Abdul."
"Paggising ko, nakita ko siya doon sa harap ng bed. He slowly came to me. Sabi niya huwag daw ako maingay," ani Denise.
Ayon kay Denise, may hawak na kutsilyo si Abdul at nakasuot ng itim na guwantes. Nang tangkain niyang agawin ang kutsilyo, ilang beses umano siyang sinuntok at hinampas ng bato.
Sinabi ni Denise na tinakpan ng lalaki ng duct tape ang kaniyang bibig at itinali ang kaniyang mga kamay at paa upang hindi siya makaalis o makahingi ng tulong.
Pinilit din umano siya ni "Abdul" na ibigay ang password ng kaniyang cellphone. Sa unang dalawang araw, naging abala raw ang lalaki sa pagtingin sa kaniyang mga mensahe at iba pang laman ng telepono.
Nang makita ni "Abdul" ang mga social media post ni Louise na naghahanap kay Denise, inutusan umano siya na sagutin ang mga mensahe ng kaniyang kakambal.
Sinamantala ni Denise ang pagkakataon upang ipadala ang kanilang lihim na code na agad namang naunawaan ni Louise.
Nagawa rin niyang ibahagi ang kaniyang lokasyon nang hindi ito napapansin ng dayuhan.
"Nakakuha ako ng pagkakataon na mag-send naman sa kapatid ko with the code words which is na-understand ng kapatid ko," ani Denise.
"I didn't expect na the same day silang dumating ng Siargao, same day din nila ko nahanap, dahil sa location din," dagdag niya.
Aniy Denise, nawalan na siya noon ng pag-asa habang nakakulong sa loob ng villa. Sinabi niyang lubos lamang niyang napagtanto na ligtas na siya nang yakapin siya ni Louise.
"Sobrang hopeless ko that time, and then 'yung mismong panahon nag-start ng rescue 'yung mga kapatid ko, tapos hi-nug ako ng kapatid ko, nakita ko na parang doon ako bumalik sa senses ko na na-rescue na ako," sabi ni Denise, na desididong kasuhan ang dating nobyo.
Mensahe niya sa ibang babae na nakaranas ng pang-aabuso at karahasan: "It's okay to feel shame. It's okay to feel scared. Pero kung magkaka-chance man kayo na, to ask ng help, please do it before it's too late."
Para naman kay Louise, ipinakita ng kanilang karanasan kung gaano kahalaga ang kanilang ugnayan bilang kambal kahit hindi nila kailangang pag-usapan palagi ang kanilang nararamdaman.
"We just felt na ano lang, na andiyan kami. Kasi iba 'yung language namin eh. Hindi kami nag-uusap, ganu'n. Hindi nagdi-deep talk. Pero alam namin na mahal namin ang isa't isa," patuloy niya.
Para sa mga biktima ng pang-aabuso, maaaring humingi ng tulong sa:
PNP: ALING PULIS TEXT HOTLINE: 0919 777 7377 / 0966 725 5961 / 0920 907 1717
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.