2-anyos na lalaki, patay matapos umanong saktan ng live-in partner ng ina sa Cebu City

Nasawi ang isang 2-anyos na batang lalaki matapos umanong pagbuhatan ng kamay ng live-in partner ng kaniyang ina sa Cebu City. Depensa ng suspek, hinampas niya lamang ang likod ng bata dahil nahihirapan itong huminga dahil sa sipon pero biglang may lumabas na kasamang dugo.
Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV, na iniulat sa GMA News Unang Balita nitong Biyernes, naiwan noon sa inuupahang kuwarto ang suspek at ang bata habang nasa trabaho ang ina ng biktima.
Habang nasa trabaho, nakakuha ng text ang ina ng bata mula sa kaniyang partner na humingi ng tawad.
Sa kaniyang pag-uwi, doon niya nadatnang wala nang buhay ang kaniyang anak.
Agad na iniulat ng pamilya ng bata ang insidente at dinakip ang suspek sa katabing barangay.
“Sabihin mo na ang lahat ng ginawa mo sa pamangkin ko para hindi na humaba ang usapan. Ang gusto ko ay makulong siya habambuhay,” sabi ng tiyahin ng biktima.
Pero ayon sa suspek, sinubukan niyang tulungan ang bata na nahihirapan noong huminga dahil sa sipon.
“Ni-pump ko ang kaniyang puso, doon lumabas ang kaniyang plema. Binaligtad ko, hinampas ang likod… Kalaunan, napansin ko na tila may halo nang dugo kaya huminto na ako, hindi na siya humihinga,” sabi ng suspek.
Umamin din ang suspek na galing ang mga pasa ng bata sa mga kagat niya dahil nanggigigil siya sa bata.
Desidido ang pamilya ng biktima na panagutin ang suspek.
Habang inihahanda na ng pulisya ang reklamong murder laban sa kaniya. – Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.