Mary Jane Veloso, muling nakasama ang pamilya matapos palayain mula sa kulungan

Emosyonal na muling nagkapiling ng dating overseas Filipino worker na si Mary Jane Veloso ang kaniyang pamilya nitong Sabado matapos nang makalaya mula sa bilangguan.
Sinundo ang mga miyembro ng pamilya ni Mary Jane mula sa Nueva Ecija at dinala sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City para salubungin siya.
Nakitang sakay ang mga magulang ni Mary Jane na sina Caesar at Celia Veloso ng coaster pagdating sa CIW, at ang kaniyang mga anak, ayon sa ulat ni Gabriel Gonzales ng GMA News.
Nasa gate na si Mary Jane, na nakasuot ng puting T-shirt at pantalon at naka-ponytail ang kaniyang buhok, ng CIW kasama ang mga tauhan ng Bureau of Corrections nang dumating ang kaniyang pamilya.
Umiyak ang mga magulang ni Mary Jane nang salubungin siya sa CIW, ayon sa ulat ni Jamie Santos ng GMA News.
Sa coaster kasama ang kaniyang mga magulang, sinabi ni Mary Jane na hindi siya makapaniwala na pinalaya na siya matapos bigyan ng absolute pardon ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
"Ako rin, hindi makapaniwala. Hindi ako makapaniwala. Hindi ako makapaniwala. Pero mabait ang Lord. Mabait ang Panginoon," sabi ni Mary Jane habang niyayakap at hinahalikan ang kaniyang inang si Celia.
"'Di ako makapaniwala talaga, anak. Dito ka na sa tabi ko ngayon," sabi pa ni Celia.
"Sumasakit ulo ko, 'Nay. 'Wag ka umiyak," ani Mary Jane.
"Ako na mag-aalaga sa 'yo ngayon. Masakit ang ulo mo," sabi ng kaniyang ina.
"Hindi, ako nga mag-aalaga sa inyo eh. Kaya nga ako umuwi eh," sagot naman ni Mary Jane.
"Eh ako, ala nang sakit. Ikaw, masakit ang ulo mo. Alagaan kita," sabi ni Celia.
"'Pag nakakain na ako ng ano, ng bituka ng manok. Ihaw-ihaw," pagtawa ni Mary Jane.
"Oo, pagluluto kita," sabi naman ng kaniyang ina.
Sinabi ni Marcos nitong Biyernes na nilagdaan na niya noong Huwebes ang dokumentong isinasaad na binibigyan niya ng absolute pardon o ganap na kapatawaran si Mary Jane, na nagresulta sa kaniyang paglaya mula sa pagkakabilanggo sa Pilipinas matapos minsang makulong sa death row sa Indonesia dahil sa mga kasong may kinalaman sa droga.
Inaresto si Mary Jane noong Abril 25, 2010, sa Adisutjipto International Airport sa Yogyakarta, Indonesia, matapos matagpuan ng mga awtoridad ang 2.6 kilo ng heroin sa kaniyang bagahe. Hinatulan siya ng kamatayan ng isang korte sa Indonesia noong Oktubre 11, 2010.
Patuloy niyang pinaninindigan na wala siyang kasalanan, at sinasabing hindi niya namamalayang ginamit siya bilang isang drug courier matapos bigyan ng maleta ng kaniyang mga recruiter.
Itinigil noong Abril 2015 ang kaniyang pagbitay matapos umapela ang gobyerno ng Pilipinas sa mga awtoridad ng Indonesia na pahintulutan siyang tumestigo laban sa kaniyang mga recruiter umano.
Noong Disyembre 2024, sumang-ayon ang Indonesia na ilipat si Mary Jane sa kustodiya ng Pilipinas kasunod ng mga taon ng diplomatikong negosasyon. Dumating siya sa Pilipinas noong Disyembre 18, 2024, at inilipat sa CIW upang pagsilbihan ang natitirang bahagi ng kaniyang sentensiya sa ilalim ng hurisdiksyon ng Pilipinas.
Pormal na pinalaya si Mary Jane mula sa CIW noong Biyernes matapos makumpleto ang mga kinakailangang proseso. — Jamil Santos/VBL GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.