Babae, patay matapos malapitang pagbabarilin ng lalaki sa Lapu-lapu City, Cebu

Malapitang pinagbabaril at pinatay ng isang lalaki ang isang 32-anyos na babae sa Lapu-lapu City, Cebu. Ang biktima, nagawa pang makatakbo pero nadapa at inabutan ng salarin.
Sa ulat ni Lou Anne Rondina sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Martes, makikita sa CCTV camera sa Barangay Basak na nakaupo ang biktima sa tricycle na nakaparada noong Linggo na tila may hinihintay.
Kasama ng biktima ang nagmamaneho ng tricycle, at ilang minuto pa ang lumipas ay isang lalaki na nakatakip ang mukha ang dumating.
Unang inikutan ng suspek ang driver na nakaupo noong sa loob ng tricycle. Ilang saglit pa, nilapitan na niya ang biktima na nakaupo sa likod at doon na siya naglabas ng baril.
Hindi pumutok ang baril nang kalabitin ng suspek kaya nagawa ng biktima na makatakbo ng ilang metro. Pero nadapa ang babae at doon na siya muling pinagbabaril ng lalaki.
Kaagad na tumakas ang salarin habang naiwang nakatumba ang biktima sa gitna ng kalsada.
Ayon sa pulisya, posibleng may kaugnayan sa ilegal na droga ang krimen na patuloy pa nilang iniimbestigahan. Mayroon na rin umano silang person of interest. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.