P5-M halaga ng mga 'di rehistradong glutathione drip, nasabat ng NBI sa QC

Kahon-kahong mga hindi rehistradong glutathione drip at injectables na tinatayang aabot sa P5 milyon ang halaga ang nasabat ng National Bureau of Investigation - National Capital Region sa isang bahay sa Quezon City.
Sa ulat ni John Consulta sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood na kinailangan pang umakyat ng mga ahente ng NBI-NCR ang gate ng bahay.
Pagpasok nila sa loob, puwersahan nilang binuksan ng pinto, at bumungad sa loob ang mga glutathione injectables na may samu’t saring tatak.
Sinabi ng NBI na ilang linggo ang inabot ng surveillance sa lugar bago ikinasa ang operasyon na nanggaling sa isang reklamo.
“Nakipag-meeting sa atin ng mga matataas na opisyales ng Food and Drug Administration at nag-request nga na magkaroon kami ng ugnayan at cooperation sa law enforcement operation regarding sa mga unregistered food items at mga gamot. Nagpa-test back agad tayo sa mga ilang online selling. Tinunton kagad natin 'yung mga warehouses nito. Bahay, malalaking warehouse. At nakita natin kaagad. In-apply-an kaagad natin ng search warrant,” sabi ni Atty. Jun Dongallo, Regional Director ng NBI - NCR.
Ayon sa NBI, doble-dobleng dagok ang maaaring harapin ng mga parokyano ng mga nakumpiskang glutathione ng NBI dahil bukod sa hindi rehistrado, posibleng peke pa ang mga ito.
Ilan sa mga bote ang mayroon nang laman, kasama ang mga sticker ng produkto na idinidikit lamang sa loob ng bahay.
“Kapag bumili ka at may nangyari sa iyo, nagkasakit ka o huwag naman sana, may mangyari sa iyong masama, mamatay o ano 'yung gumamit, wala tayong mahahabol. Kasi hindi natin alam kung sino talagang gumawa nitong mga ‘to. Hindi naman nirehistro ‘yan. Hindi natin alam kung ano ba talagang sangkap niyan para i-inject mo sa bloodstream mo, sa katawan mo. Delikado, ubhang delikado po,” sabi ni Dongallo.
Tinatayang aabot sa P5 milyon ang halaga ng kinumpiskang kwestyonableng glutathione drip at injectables.
Nagpaalala ang NBI, na tiyaking rehistrado ang gamot na bibilhin, at nasuri na ng FDA para masigurong ligtas itong gamitin.
“Huwag niyo nang subukang gamitin at huwag din kayo magpapadala sa presyo. Kasi iba dahil mura, binibili nila. So check-in po natin na rehistrado sa Food and Drug Administration,” ani Dongallo.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang may-ari ng mga produkto na nahaharap sa reklamong paglabag sa FDA law. —Jamil Santos/ VAL GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.