Tricycle na nabangga ng kotse, bumaliktad; driver ng tricycle, patay

Isa ang nasawi, at dalawa pa ang sugatan sa karambola ng isang kotse at dalawang tricycle sa San Jacinto, Pangasinan.
Sa ulat ni Jasmien Gabriel Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nangyari ang trahediya noong Martes ng hapon sa Barangay Guibel, na ikinasawi ng driver ng isa sa mga tricycle.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang isang paparating na tricycle na aksidente nabangga ng isang kotse na papasok din sa kaparehong linya ng kalsada.
Nawalan ng kontrol ang tricycle na napunta sa kabilang bahagi ng kalsada at nabangga ang kasalubong na tricycle, at pagkatapos ay bumaliktad.
Ayon sa isang opisyal ng barangay, nasawi ang driver ng bumaliktad na tricycle, habang sugatan ang isang pasahero nito, at ang driver ng isang tricycle.
Nagkausap na umano sa himpilan ng pulisya ang mga kaanak ng nasawing tricycle driver at iba pang sangkot sa aksidente.
Magsasampa umano ng kaso ang kaanak ng nasawing tricycle driver laban sa driver ng kotse.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang driver ng kotse, ayon sa ulat. –FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.