The Daily Newsstand · Free, Always
Wednesday, October 21, 2026

Batanes, naka-red alert na dahil sa Super Bagyong Rosal; klase, pasok sa gov't, suspendido sa Huwebes

Translate

Nakahanda na ang iba’t ibang ahensiya at rescue team sa lalawigan ng Batanes dahil sa inaasahang epekto ng Super Bagyong Rosal. Sinuspinde na rin ang klase sa mga paaralan at pasok sa sangay ng gobyerno sa Huwebes, Oktubre 22, 2026.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing itinaas na sa Code Red ang alert status ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Batanes, at ang kanilang Emergency Operation Center.

Idineklara rin na walang pasok sa mga paaralan sa lahat ng antas, at pati na rin sa trabaho sa sangay ng gobyerno sa Huwebes.

Nitong Martes, sinuspinde na rin ng Coast Guard Station Batanes ang biyahe ng lahat ng sasakyang pandagat na papunta sa lalawigan upang maiwasan ang anumang sakuna sa laot.

Handa na rin ang mga tauhan ng coast guard na tumugon kung kailangan ang kanilang tulong 24/7.

Nakataas ang Signal No. 2 sa Batanes, habang Signal No. 1 naman sa mga sumusunod na lugar:

  • Cagayan pati na ang Babuyan Islands, ang eastern portion ng Isabela (Maconacon, Divilacan, Palanan, Santa Maria, Cabagan, Delfin Albano, Santo Tomas, Tumauini, San Pablo, Ilagan City, San Mariano, Dinapigue)
  • Ilocos Norte
  • Apayao
  • Sa northeastern portion ng Catanduanes (Pandan, Bagamanoc, Panganiban, Viga, Gigmoto)

Hindi tatama sa kalupaan ng bansa ang super bagyo pero inaasahang magdudulot ito ng pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.

Samantala, itinaas na sa Code Blue ng PDRRMO ng Cagayan ang alert status nito sa lalawigan bilang paghahanda rin sa super bagyo.

Nakaposisyon na umano ang mga rescue asset ng lalawigan, at naka-standby ang mga rescuer.

Bagaman maaliwalas pa ang panahon sa bayan ng Calayan, nagpasya na ang ilang mangingisda na ilipat ang kaniyang mga bangka sa ligtas na lugar, na malayo sa baybayin. – FRJ GMA News

View the original on GMA News →

KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.