6 patay, 17 sugatan matapos mahulog sa bangin ang sinasakyang elf truck sa Mt. Province

Anim katao ang patay habang 17 ang sugatan matapos mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang elf truck sa Bontoc, Mountain Province. Kabilang sa mga nasawi ang isang anim na buwang gulang na sanggol.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing lumabas sa imbestigasyon na bumiyahe ang truck sa Talubin-Barlig Road nang mahulog ito sa bangin na may lalim na aabot sa 100 metro.
Dumiretso sa tubig ang sasakyan na halos magkakamag-anak ang sakay, at galing sa dinaluhang kasalan sa Isabela.
Sa 17 sugatan, 15 sa kanila ang nananatili sa ospital, at dalawa lang ang pinayagan na makalabas na.
Patuloy na inaalam ang nangyari sa iba pang mga pasahero.
Ayon sa pulisya, sinabi ng driver na nawalan ng preno ang sasakyan habang nasa pababang bahagi na sila ng daan. -- Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.