Pickup driver na nakainom umano, hinabol matapos takasan ang nasaging motorcycle rider

Pinagpapaliwanag ng Land Transportation Office (LTO) at pinatawan ng 90-day preventive suspension ang lisensiya ng isang driver ng pickup truck na nakasagi umano sa isang motorcycle rider sa Taguig.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood ang video na kuha ng isang rider habang mabagal na tumatakbo ang naturang pickup sa C5 Road.
Hinabol ito ng isang rider hanggang sa maabutan nito ang pickup at sinenyasan na huminto.
Makikita pang flat ang kaliwang gulong sa unahan at sa likod ng sasakyan.
Huminto kalaunan ang sasakyan malapit sa elevated U-turn slot sa C5, at bumaba ang driver.
Sinabi ni LTO Chief Markus Lacanilao, na halatang nakainom ng alak ang driver ng pickup.
Itinanggi naman ng driver na tinakbuhan niya ang nasaging motorsiklo.
Nakatakdang humarap sa LTO sa Oktubre 13 ang may-ari at driver ng sasakyan, na walang pahayag.—Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.