Pulse Asia: Grace Poe, Alan Cayetano, nanguna sa senatorial preferences para sa May 2028 elections

Nanguna sina dating senadora Grace Poe at Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa mga napupusuan na iboto ng mga adult Pinoy mula sa listahan ng mga posibleng maging kandidato sa pagkasenador sa Mayo 2028, ayon sa pinakabagong survey ng Pulse Asia.
Sa survey na isinagawa mula Setyembre 17 hanggang 24, 2026, 15 posibleng kandidato ang lumitaw na may pag-asang manalo sa 66 na pangalan na isinama sa survey tungkol sa mga maaaing kumandidato sa Senado.
Ayon sa Pulse Asia, mga dati o kasalukuyang miyembro ng Kongreso ang karamihan sa mga posibleng maging kandidato ang may statistical chance na manalo.
Nanguna sa listahan si Poe na may 50.2%, at sumunod sa kaniya si Cayetano na may 46.5%.
Nasa listahan din sina Senador Robin Padilla (45.9%) at Senador Raffy Tulfo (44.4%). Kabilang din sa mga posibleng manalo sina Davao City Mayor Sebastian Duterte (37.2%), dating senador Emmanuel “Manny” Pacquiao (36.5%), at Senador Loren Legarda (33%).
Kasama sa 15 pangalan na may pag-asang panalo ay sina Makati City Mayor Nancy Binay, Senador Francis "Chiz" Escudero, Education Secretary Sonny Angara, media personality Ben Tulfo, Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (Tieza) head Mark Lapid, Senador Jinggoy Estrada, showbiz celebrity Willie Revillame at dating AnaKalusugan party-list Rep. Mike Defensor.
Ayon sa Pulse Asia, 2,400 adult Pinoy sa buong bansa ang tinanong sa pamamagitan ng harapang panayam. Mayroon itong margin of error na ±2 percentage points sa 95% confidence level.
Para naman sa Metro Manila, iba pang bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao, bawat isa ay may margin of error na ±4 percentage points.—FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.