ESPN DeportesRavens y Cowboys prometen gran espectáculo en el MaracanáThe Jerusalem PostIrish soccer team wears black armbands, refuse to shake Israeli players' hands during matchInquirerSept. 27 Lotto draws: No jackpot winnersDaily MaverickUK PM Burnham refuses to back Heathrow’s third runway projectESPNSchlittler gets Game 1 nod against Red Sox, with Fried and Cole to followRTP DesportoGonçalo Ramos marca o 2-1SoompiHong Seung Hee Is Convinced She’s The Female Lead In Her Bias Jung Yong Hwa’s Drama In “Oh My Guard”Premium TimesGuild of Editors tour Mbah’s projects, confirm solid infrastructure on groundCollider10 Literary Novels That Go Completely Off the RailsComplete Sports2027 AFCONQ: Super Eagles Arrive In Guinea- Bissau Ahead Clash With Djurtus7sur7Le Portugal s’offre la Norvège sans CR7, l’Allemagne se fait surprendre par la GrèceBBC SportRepublic of Ireland defeat Israel in Debrecen
The Daily Newsstand · Free, Always
Sunday, September 27, 2026

Estudyanteng lalaki, nahuli-cam na namboboso umano sa isang babae sa grocery store

Translate

Nahuli-cam ang isang 23-anyos na lalaking college student habang binobosohan umano (gamit ang cellphone) ang ilalim ng palda ng babaeng may-ari ng isang Korean grocery store sa Muntinlupa City.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News 24 Oras Weekend nitong Linggo, makikita sa CCTV footage na nagpatulong muna ang lalaki sa babaeng mag-ari ng tindahan para ipaluto ang instant noodles.

Nang tumalikod ang babae, agad umanong inilagay ng suspek ang cellphone sa ilalim ng kaniyang palda at kumuha ng mga litrato.

Ayon sa biktima, may naramdaman siyang dumampi sa kaniyang likuran kaya agad siyang humarap sa lalaki.

“Parang may dumaplis sa likod ko, tapos pagharap ko po ‘yung camera ng cellphone niya naka-open po,” ayon sa biktima.

Agad niyang sinuri ang CCTV footage at iniulat ang insidente sa mga tauhan ng barangay upang komprontahin ang estudyante.

Ayon sa biktima, sinabi ng suspek sa mga awtoridad na binura na niya ang mga litrato nang tanungin siya tungkol dito.

“Tinanong po siya, ‘Asan ‘yung cellphone mo?’ Tapos sabi niya, ‘Na-delete ko na, na-delete ko na po,’” sabi ng babae.

“E di kinuha nung barangay security ‘yung cellphone niya. Sabi po nung barangay security sa kaniya,’Oh, na-delete mo na, ah.’ Tapos binalik din po sa kaniya ‘yung cellphone niya,” dagdag niya.

Sa barangay hall, sinabi ng biktima na umamin ang lalaki sa ginawa nito, at sinabi ring hindi iyon ang unang pagkakataon na ginawa niya ang kasalanan.

Nang balikan ng may-ari ng tindahan ang mga naunang CCTV footage, nakumpirma niya ang sinabi ng lalaki.

Hindi makapaniwala ang may-ari ng tindahan sa nangyari, lalo na’t tatlong taon na umano nilang suki ang estudyante.

“Umiiyak po ‘yung mama niya. ‘Yung estudyante po, nagso-sorry po siya,” sabi ng biktima nang magkaroon sila ng komprontasyon sa barangay hall.

“Patawarin ko na raw po ‘yung anak nila kasi masisira daw po ‘yung pag-aaral. Pero sabi ko po, ‘Ma’am, naiintindihan ko po kayo pero ‘yung ginawa po ng anak ninyo hindi ko po mapapatawad. Magkakaso po ako,’” giit ng biktima.

Hiningan ng GMA News ng pahayag ang pamilya ng suspek, ngunit tumanggi silang magkomento at sinabing nais muna nilang kumonsulta sa kanilang abogado.

Ayon kay Barangay Police Officer Alexis Patnugot, handa umanong panagutan ng pamilya ng suspek ang ginawa ng kanilang kaanak. Ngunit tutol sila sa pagpo-post ng biktima ng CCTV footage ng insidente sa social media, na naging viral.

“Bali yung sa side naman po ng nirereklamo, willing naman daw po silang panagutan ‘yung anuman ‘yung nagawa ng kamag-anak nila. Pero, ‘yung pagpo-post po sa social media, doon po sila against,” sabi ni Patnugot.

Sinabi rin ng may-ari ng tindahan na agad niyang iniulat ang insidente sa Muntinlupa Police noong gabi ng insidente nitong Miyerkules. Tumanggi namang magkomento sa GMA News ang hepe ng pulisya.

Kinumpirma ng biktima na nakapaghain na siya ng pormal na reklamo sa piskalya.

“Panawagan ko po sa mga kababaihan o sa kahit anumang gender— ’pag may bumastos sa inyo, magsalita kayo, huwag kayong manahimik kasi sobrang hirap,” ayon sa biktima.— FRJ GMA News

View the original on GMA News →

KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.