Paghabol ng mga pulis mga holdaper na umatake sa Nueva Ecija, umabot hanggang boundary ng Laguna-Batangas

Tumagal ng apat na oras ang paghabol ng mga pulis ang isang armadong grupo matapos na holdapin ang isang convenience store sa Gapan, Nueva Ecija. Ang habulan, nagtapos sa hangganan ng Laguna-Batangas.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, makikita sa CCTV footage ang isang puting van na pumarada sa harap ng isang convenience store dakong 9:00 pm nitong Martes.
Nagpanggap ang mga suspek na mga kostumer na naghahanap ng bibilhin.
Maya-maya lang, bumunot na ng baril ang isa sa mga suspek, tinutukan ang kahera at kinuha ang pera sa kaha. Itinali rin ng mga suspek ang dalawang lalaking customer at dinala sa stockroom.
Dinala rin nila sa stockroom ang kahera at pinagbuksan ng vault. Nang umalis ang mga suspek, agad na tumawag sa pulisya ang mga empleyado ng convenience store.
Apat na oras na hinabol ng mga pulis ang mga suspek bago nila naabutan ang mga ito sa boundary ng Alaminos, Laguna at Sto. Tomas, Batangas dakong 2:00 am.
Anim na suspek ang inaresto, na ayon sa awtoridad ay nasa edad 19 hanggang 22.
“Actually mga bata pa ito, age nila is ranging from 19 to 22. During the interrogation they also admitted that they are involved in some robbery incidents somewhere in Rizal province,” sabi ni Police Regional Office 3 Director Police B.Gen. Jess Mendez.
Sinabi naman ni Police Regional Office 4A Director Police B.Gen. Dominic Baccay, “Maganda ang coordination dito kaya tayo ay nakapaghanda agad ng dragnet operation. So inabangan na natin itong puting van na ito… Prepared 'yung tropa natin nang i-accost sila sa kalsada.”
Nabawi ng mga awtoridad mula sa grupo ang apat na baril, apat na granada, mga plaka ng sasakyan at ang P35,000 na natangay nila mula sa convenience store.
Kabilang sa mga naaresto ang lider ng grupo na may dalawang warrant of arrest dahil sa mga kasong carnapping at robbery.
Ayon sa Police Regional Office 3, pangunahing nag-o-operate ang grupo sa mga lugar sa Calabarzo at mga convenience store ang madalas na puntirya. Dumayo lang umano sa Nueva Ecija ang grupo at doon nangholdap. — Jean Mangaluz/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.