Palasyo kay Bato dela Rosa: 'Sumuko ka na kasi para wala nang dugong dadanak'

Nanawagan ang Malacañang kay Senator Ronald "Bato" dela Rosa na sumuko na at harapin ang warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC) laban sa kaniya para maiwasan ang isang posibleng marahas na komprontasyon.
"Sumuko ka na. Sumuko ka na kasi para wala nang dugong dadanak," sabi in Palace Press Officer Usec. Claire Castro sa isang punong balitaan nitong Miyerkoles.
Inihayag ni Castro ang panawagan matapos sabihin ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nasa Mindanao si Dela Rosa sa ilalim ng proteksyon ng isang grupo kung saan nakikipagnegosasyon ang mga awtoridad para sa kaniyang pagsuko.
Ipinaliwanag ni Remulla na hindi maaaring basta-basta arestuhin na lamang ng law enforcement officers ang senador nang hindi isinasaalang-alang ang isang marahas na komprontasyon.
Sa panig ng Palasyo, hiniling ni Castro ang mga tagapagtanggol ni Dela Rosa na huwag magsilbing instrumento para sa mga indibiduwal na dapat managot sa ilalim ng batas.
"Doon sa mga nagkakanlong, alam po natin na dapat natin pairalin ang batas. So huwag kayong magsilbi na kasangkapan ng mga taong dapat nadidinig din o mga taong dapat napapanagot sa batas," sabi niya.
"Huwag po kayong magsilbing tulay para makaalpas ang mga masasabi nating taong may dapat na kaharapin sa mga taong kanilang diumanong nabiktima," dagdag pa niya.
Nakipag-ugnayan na ang GMA News Online sa opisina ni Dela Rosa para sa komento at ia-update ang ulat kapag tumugon na ito.
Inisyuhan si Dela Rosa ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng giyera kontra droga ng dating pangulong Rodrigo Duterte, na pumatay umano ng libu-libong tao.
Nakakulong si Duterte sa ICC sa The Hague, Netherlands, habang hinihintay ang paglilitis sa kaniyang kaso na crime against humanity. – Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.