Paglilinis ng paligid, bakit naisipang gawing content ng habal-habal driver sa Misamis Oriental

Dahil sa isang lalaking “cleanfluencer,” nakaranas ng ginhawa ang mga taga-Villanueva, Misamis Oriental. Matiyaga niya kasing winawalis at kinokolekta ang mga basura sa mga kanal at kapaligiran. Tinatabas din niya ang mga damo at halaman sa gilid ng kalsada. Bakit nga ba niya naisip itong gawin? Alamin.
Sa nakaraang episode ng Good News, ipinakilala si Franz Luis Agbu, na sinimulan ang kaniyang “cleanfluencer” journey nito lang Enero.
“Napakahirap na mag-isa ‘pag naglilinis lalo na kulang sa kagamitan. Minsan naisip mo na ‘Itutuloy ko pa ba ‘to o hindi?’ Pero nagsi-sink in po sa utak ko na malaking tulong po ang aking ginagawa kaya kahit pagod na po patuloy pa rin po sa paglilinis,” sabi niya.
Sulit daw ang pagod at sakripisyo ni Franz nang maraming netizens ang humanga sa kaniyang effort.
“‘Pag nakikita ko po 'yung mga nililinisan ko na malinis at maganda na po 'yung takbo ng tubig napakaganda po tingnan,” pahayag niya.
Napag-alaman na hiwalay na ang mga magulang ni Franz, at mag-isa silang itinaguyod ng kaniyang ama na isang sepulturero.
Apat silang magkakapatid kaya kapos ang kinikita ng kanilang ama sa maghapong pagbabanat ng buto.
Dahil panganay, naghahabal-habal si Franz tuwing umaga at tindero naman ng merienda sa gabi.
Para magkaroon ng dagdag na kita, pinasok din ni Franz ang content creation. Dahil sa kaniyang kaalaman sa drawing, unang content niya ang kaniyang mga obra maestra.
Dahil din sa pagdo-drawing niya, mas na-appreciate niya ang ganda ng malinis na kapaligiran.
Ngunit katagalan, tila hindi pumatok online ang kaniyang pagguhit.
“Mga ilang taon din ako na nawala sa social media. Meron po akong drawing na
‘di po kinuha. Halos isang buwan ko po dinrowing. Kasawiang-palad, ‘di po kinuha ng kliyente ko. So nawala po 'yung gana ko sa pagdo-drawing,” kuwento niya.
Pero dulot ng madalas na pag-ulan at pagbaha, nakita ni Franz ang kaniyang bagong purpose.
“Dito lang din po sa social media, nakita ko 'yung mga cleanfluencer na naglilinis at na-inspire po ako sa mga ginagawa nila. Malaking tulong po sa ating komunidad,” sabi ni Franz.
“Isa rin po ako sa muntik na po madisgratsya. Halos kainin na po ang buong kalsada ng mga putik at saka mga damo. Napag-isipan ko na dapat may kumilos,” dagdag niya.
Makaraan ang ilang buwan, kasabay ng pagkaunti ng kalat sa kanilang lugar, dumami rin ang mga humahanga sa kaniyang ginagawa.
Inamin ni Franz na hindi madali ang pinasok niyang trabaho, lalo't kulang na kulang siya sa pondo.
“Wala akong sariling mga kagamitan sa paglilinis, kaya medyo mahirap po talaga,” ani Franz.
Tunghayan sa Good News ang paghahandog kay Franz ng mga bagong bota, kapote, at gloves na magagamit niya para sa kaniyang clean-up drive. Panoorin ang kaniyang kuwento. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.