3 katao, patay nang maaksidente ang isang Elf truck na patungo sa kasal sa Southern Leyte

Tatlo ang nasawi at 18 ang sugatan matapos maaksidente ang Elf truck na kanilang sinasakyan sa national road sa Silago, Southern Leyte nitong Sabado.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Martes, sinabing sakay ang mga biktima ng elf truck na minamaneho ng 39-anyos na foreman at residente ng Abuyog, Leyte.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, galing sa Abuyog ang truck at nagtungo sa Silago para dumalo sa kasalan.
Pero nawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver sa paliko at pababang bahagi ng kalsada sa Barangay Tubod kaya nadisgrasya ang sasakyan.
Tatlo sa mga sakay ang idineklarang dead on the spot habang isinugod naman sa ospital ang mga sugatan.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa dahilan ng aksidente. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.