Arabo, tinumbok umano ng kotse ang nakaalitang mga Pinoy sa labas ng isang bar sa Pampanga

Isang Arabo ang tinangka umanong tumbukin o banggain ng kotse ang tatlong Pilipino na nakaalitan niya sa labas ng isang bar sa Angeles, Pampanga.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood sa video ang pagharurot ng kotse na Arabian national ang driver at tumbukin ang mga Pinoy sa parking area ng bar.
Rumesponde naman ang mga bouncer upang awatin ang mga sangkot sa insidente.
Sinabi ng pulisya na bago ang insidente, nagkaroon muna ng pagtatalo ang driver at isa pang Arabo sa mga kasama nilang babae.
Nakita ito ng tatlong Pinoy at ipinagtanggol ang mga babae. Ikinagalit ito ng mga Arabo na humantong sa suntukan at pagpapaharurot sa kotse.
Sinabi ng pulisya na nagkaharap at nagkaaregluhan na sa presinto ang mga Arabo at tatlong Pinoy.
Sinabi ng uploader na isang kasama niya ang nasaktan dahil sa pagtumbok ng kotse.
Magsasampa umano ng reklamo ang biktima laban sa Arabian national. – Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.