Binatilyong tumatawid sa pedestrian lane, nasalpok ng motorsiklo; rider, tumakas

Nahuli-cam sa Alitagtag, Batangas ang pagbangga ng isang motorsiklo sa 13-anyos na binatilyong tumatawid sa pedestrian lane. Pero sa halip na tulungan ang biktima, tumakas ang rider.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Martes, makikita ang pagbaba ng biktima at ilan pang binatilyo mula sa isang pampasaherong jeepney na tumigil sa pedestrian lane.
Pagtawid nila, nabangga ng motorsiklo na mabilis ang takbo ang biktima.
Natumba sa kalsada ang binatilyo pero nakatayo rin kinalaunan. Pero sa halip na tumigil ang rider upang alamin ang kalagayan ang biktima, mabilis itong tumakas.
Ayon sa ulat, walang bali sa katawan na tinamo ang binatilyo batay sa X-ray. Pero isasailalim pa rin siya sa MRI scan.
Samantalang patuloy na hinahanap ang rider na nakabangga sa biktima.—FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.