Dating staff ni Sara Duterte, ginigipit at pilit na pinapipirma sa dokumento, ayon kay Atty. Paolo Panelo

Nakatanggap umano si Vice President Sara Duterte ng impormasyon na hinahawakan laban sa kaniyang kalooban ang dati niyang household staff at pinipilit na pumirma sa dokumento, ayon kay Atty. Paolo Panelo, tagapagsalita ng bise presidente.
Sa isang Facebook post nitong Martes, sinabi ni Panelo, na nakatanggap ang Bise Presidente ng mensahe dakong 11:19 pm nitong Lunes, Nobyembre 16, mula sa isang account na tila pag-aari ng dating miyembro ng kaniyang household staff.
“The message contained a desperate plea for help and rescue in Manila. The sender claimed to be in the custody or under the control of certain individuals who allegedly told them about a threat to their life. The former staff member further narrated that they were being forced to sign a document, which they had refused to execute,” ani Panelo.
Dagdag pa niya, kahalintulad umano ito ng nangyari sa dating media officer ni Duterte na si Jefry Tupas, na nauna nang nag-akusa sa National Bureau of Investigation (NBI) na pinilit umano siyang pumunta sa Maynila matapos sabihang may banta sa kaniyang buhay.
Nauna nang sinabi ni NBI chief Melvin Matibag na si Tupas ang pinagmulan ng impormasyon tungkol sa mga banta sa seguridad nito. Itinanggi naman ito ni Tupas at sinabing mga tauhan ng NBI ang nagtungo sa kaniyang bahay sa North Cotabato noong Setyembre.
Ayon kay Panelo, hindi pa rin alam kung nasaan ang dating miyembro ng household staff, “and their safety and well-being have yet to be independently verified."
"We are deeply concerned that this incident may be part of what we believe to be a relentless campaign by the Marcos administration, utilizing state institutions like the NBI, against the Vice President,” dagdag ng abogado.
Dapat imbestigahan
Samantala, sinabi ng Malacañang na nararapat na imbestigahan ang mga naturang alegasyon upang matukoy kung may katotohanan ang mga ito.
“Ang pag-iimbestiga sa nasabing kuwento kung may katotohanan ay nararapat lamang,” sabi ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro sa isang pahayag.
Gayunman, sinabi ni Castro na abala ang Pangulo sa kasalukuyang ASEAN Summit.
“Buhos ang oras ng Pangulo sa pagtatrabaho para sa ikakaunlad ng bansa at sa pagpapatibay ng magandang ugnayan sa mga member states ng ASEAN at mga dialogue partners. Pagpapaayos ng ekonomiya, solusyon sa usaping enerhiya, teknolohiya, agrikultura, at edukasyon ang tinututukan ng ating Pangulo,” dagdag ni Castro.
Sinabi rin ni Castro na hindi gawain ni Marcos ang naturang mga bagay.
“Hindi po gawain sa panahon ngayon ang gumawa ng intriga at magplanta ng ebidensya kung saan sanay at hasa ang Duterte administration at ito naman ay inamin noon pa ni dating Pangulong Duterte sa harapan ng media,” giit niya.
GMA News Online has reached out to the NBI for comment and will publish it as soon as it becomes available.
Hinihintay pa ng GMA News Online ang pahayag ng NBI tungkol sa usapin. —FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.