Microsoft, balik na ang serbisyo sa Outlook at Teams matapos ang global outage

Inihayag ng Microsoft nitong Sabado na ganap na nilang naibalik ang kanilang mga serbisyo sa Teams, Outlook at iba pang mga produkto nito at tinuldukan ang global outage na pumigil sa mga online na komunikasyon para sa mga negosyo at gobyerno nang mahigit 24 oras.
"We have completed our efforts to address the underlying issue of the incident and restored service to the remaining impacted customers and regions," sabi ng kompanya sa X, na iniulat ng Reuters.
Sinabi ng Microsoft na nasa likod ng insidente ang mga isyu sa server na nakaapekto rin sa Copilot AI assistant nito, at wala itong alam sa anumang malisyosong aktibidad.
Inalis nito ang AI bilang sanhi ng outage.
Dalawa ang Outlook at Teams sa mga malawakang ginagamit na application sa mga lugar ng trabaho na may daan-daang milyong users. Pinigilan ng pagkawala ng serbisyo ang mga tao na magawa ang mahahalaga nilang tungkulin gaya ng pagpapadala ng mga email, pagsasaayos ng mga kalendaryo at pagho-host ng mga virtual na meeting.
Naapektuhan nito ang mga ahensiya ng gobyerno mula Australia at Japan hanggang sa Estados Unidos, nagdulot ng mga pagkaantala sa mga trading firm, humadlang sa ilang kompanya sa paglalathala ng mga kita at nag-udyok sa mga airline na bigyan ng babala ang mga customer tungkol sa mga pagkaantala sa komunikasyon, ayon sa mga pampublikong pahayag.
Nakaligtas naman ang mga organisasyong nagho-host ng mga serbisyo ng Microsoft sa kanilang sariling mga server, sa halip na sa cloud. —Jamil Santos/VBL GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.