Vendors at nangungupahan sa mga pamilihan sa Dagupan City, umaasang mabibigyan sila ng 1 month 'holiday rent'

Dahil sa nagdaang mga pag-ulan na nagpalubog sa baha sa Dagupan City, Pangasinan, at nakaapekto sa maraming negosyo, umaasa ang mga vendor at nagrerenta sa mga pamilihan sa lungsod na mapagkakalooban sila ng isang buwan na “holiday rent,” o hindi sisingilin sa renta.
Sa ulat ni Sendee Salvacion ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing dumadaing pa rin hanggang ngayon ang mga negosyante na nangungupahan sa mga pamilihan sa lungsod dahil sa naging epekto ng kalamidad noong nakaraang buwan na nagdulot sa kanila ng pagkalugi.
Kaya naman umaasa sila na maipagkakaloob sa kanila ang holiday rent kung saan hindi nila kailangang magbayad ng renta sa inuupahan nilang mga puwesto o opisina sa pamilihan.
Ayon sa ulat, karaniwang ipinagkakaloob ang holiday rent bilang relief o tulong kapag may krisis o sitwasyong nakakapagpigil sa operasyon ng mga negosyo.
Nitong Setyembre, inilapit umano ang naturang usapin sa Sanggunian Panglunsod, at pinangakuan ang mga nagtitinda at mga negosyante na pag-aaralan ang holiday rent. Gayunpaman, lumipas ang naturang buwan na walang ordinansa na lumaba.
Inabutan ito ang panahon na kailangan na muling magbayad sa kanilang renta ang mga nagtitinda at mga negosyante.
Subalit dahil sa pagkalugi noong nakaraang buwan na malaking bahagi ng lungsod ang binaha, ilan sa mga umuupa ang hindi pa rin makapagbayad ng kanilang renta.
Isa si Reynaldo Ramos, nangungupahan ng opisina sa Magsaysay Market, sa mga umaasa sa isang buwan na holiday rent dahil naapektuhan din ng pagbaha at pag-ulan ang kanilang negosyo.
Sinabi naman ni Konsehal Joey Tamayo, chairman ng committee on laws, ordinances and judiciary, na nilalakad na ang mga kaukulang dokumento para sa holiday rent.
Gayunpaman, sinabi nito na 15-day holiday rent ang kanilang ipapasa sa lalong madaling panahon. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.