2 sakay ng motorsiklo na edad 9 at 14, patay sa pamamaril sa Cotabato

Patay ang dalawang menor de edad na sakay ng motorsiklo matapos silang tambangan at pagbabarilin sa Aleosan, Cotabato. Ang mga biktima, edad siyam at 14 lamang, na ayon sa gobernador ng lalawigan ay magkapatid.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabi ng pulisya na pinagbabaril ang mga biktima sa Sitio Tubal sa Barangay Pagangan nitong madaling araw ng Martes.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad kung sino ang mga salarin at kung ano ang motibo sa krimen.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang pamilya ng mga biktima.
Ipinag-utos na rin ng pamahalaang panlalawigan at Aleosan LGU sa kapulisan na imbestigahan nang mabuti ang nangyari.
“Ang karahasang ito ay malinaw na paglabag at pasasawalang-bahala sa mga karapatan ng mga bata—mga karapatang patuloy nating pinapangalagaan at isinusulong sa lalawigan ng Cotabato,” ayon sa pahayag ni Gov. Emmylou Talino-Mendoza.
“Nananawagan ako sa suporta at kooperasyon ng pamunuan ng SGA-BARMM na agarang kumilos upang matuloy, mahuli, at mapanagot ang sinumang may sala sa ilalim ng batas,” dagdag nito.
Kinondena rin ng pulisya ng Aleosan ang nangyaring pananambang sa magkapatid at nagpaabot sila ng pakikiramay sa pamilya ng mga biktima.
“Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang mga pangyayari at mapanagot ang mga responsable. Hinihiling namin sa publiko na manatiling kalmado, iwasang magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon, at ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang impormasyong makatutulong sa imbestigasyon,” saad sa hiwalay na pahayag. -- Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.