Bagong operating hours ng malls sa Metro Manila para iwas-trapik sa kapaskuhan, sisimulan sa November 16

Sisimulan nang i-adjust ang operating hours ng mga shopping mall sa Metro Manila simula Nobyembre 16 bilang bahagi ng mga hakbang ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang maibsan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko ngayong holiday season.
Napagkasunduan umano ng iba't ibang mall operator at MMDA na magbubukas ang mga shopping mall mula 11:00 ng umaga hanggang 11:00 ng gabi, simula sa Nobyembre 16 hanggang Disyembre 25, 2026
Hindi naman ipatutupad ang naturang bagong schedule tuwing weekend at holidays.
Inaatasan din ang mga mall operator na limitahan ang kanilang delivery operations mula 11:00 ng gabi hanggang 5:00 ng madaling araw. Maliban sa paghahatid ng mga nabubulok na produkto gaya ng pagkain at yelo.
Tuwing weekend lamang papayagan ang mall-wide sale. Maaari namang magsagawa ng weekday sale ang mga tindahan sa loob ng mga mall, basta't hindi ito ipo-promote sa pamamagitan ng mga anunsiyo, advertisement o tarpaulin.
Hindi saklaw ng binagong operating hours ang mga restaurant, supermarket at tanggapan ng mga serbisyong pampamahalaan na matatagpuan sa loob ng mga mall. Maaari pa rin nilang sundin ang kanilang regular na oras ng operasyon.
Samantala, papayagan ang mga sinehan na magbukas nang mas maaga sa Disyembre 25 upang matugunan ang inaasahang pagdami ng mga manonood sa araw ng Pasko.
Ayon sa MMDA, bahagi ang hakbang na ito ng kanilang traffic management plan na naglalayong mapabuti ang daloy ng trapiko at maiwasan ang matinding pagsisikip sa mga pangunahing kalsada. Partikular sa mga lugar na nakapaligid sa mga shopping mall, sa gitna ng inaasahang pagdagsa ng mga mamimili at motorista ngayong Kapaskuhan.— Jade Veronique Yap/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.