US, pormal na hiniling na makuha at malitis sa kanila si Quiboloy sa Makati court - DOJ

Inihain na sa Makati Regional Trial Court (RTC) ang kahilingan ng pamahalaan ng Amerika na i-extradite o makuha ang kustodiya ng founder ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Apollo Quiboloy upang malitis sa kaniyang bansa, ayon sa Department of Justice (DOJ).
Nitong Martes, sinabi ng DOJ, na inihain ng US ang petisyon nitong Lunes, Nobyembre 9, 2026, at na-raffle sa Makati RTC Branch 145. Bukod kay Quiboloy, saklaw din ng kahilingan para sa extradition sina Teresita Dandan at Helen Panilag.
Nauna nang hiniling ng pamahalaan ng Amerika sa Pilipinas na i-extradite si Quiboloy kaugnay ng mga kasong sex trafficking at racketeering na kinakaharap niya sa Amerika.
Noong unang bahagi ng Oktubre, kinumpirma ng DOJ na nasa huling yugto na ang paghahanda nito sa petisyon para sa extradition.
Inaresto si Quiboloy noong Setyembre 2024 sa compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Davao City, dahil sa kasong paglabag sa Republic Act No. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.
May kinakaharap din siyang kasong qualified human trafficking na walang piyansa sa ilalim ng Seksyon 4(a) ng Republic Act No. 9208 at kasalukuyang dinidinig sa isang korte sa Pasig. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.