Mga miyembro ng Dura-Dura Gang, huli sa buy-bust sa Cavite; mahigit P200K halaga ng shabu umano, nasabat

Nadakip ang anim na lalaki at tatlong babae na mga miyembro ng Dura-Dura Gang na may modus na magpatak ng sarsa sa mga biniktima nila sa Bacoor, Cavite. Nasabat sa mga suspek ang mahigit P200,000 ng shabu umano.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Martes, sinabing dinakip ng Bacoor Police sa buy-bust operation ang mga suspek sa isang bahay sa Barangay Zapote 3 nitong Sabado, Nobyembre 21.
Sinabi ng Bacoor Police na nakuha sa mga suspek ang 10 sachet ng shabu umano na may street value na P226,000.
Nakuha rin mula sa mga suspek ang apat na improvised na baril o sumpak at mga bala.
Matagal na umanong minamanmanan ng pulisya ang bahay na ginagawang hideout ng grupo, na itinuturong nasa likod ng mga organized na pagnanakaw.
Isa umano sa modus ng grupo ang patakan ng sarsa ang mga target na biktima na kanilang dudukutan kapag na-distract.
“Pagka may target sila, halimbawa, by group ‘yan eh. Sumasakay ‘yan sa jeep terminals, bus terminals. Magkakasunod ‘yan na sumasakay. So pag-upo nila doon, pag-occupy, may makita sila, mai-spot-an sila na would-be target nila. Accordingly 'yung mga babae sa team ay gagamit ng sarsa para patakan ‘yung would-be victim nila. And 'yung babae din sa team nila ang mag-aabot kunwari ng tissue na pamahid,” sabi ni Police Colonel Alexie Desamito, hepe ng Bacoor Police.
“So para ma-distract 'yung would-be victim and habang pinapahiran niya 'yung napatakan niya na parte ng katawan niya, doon na sasamantalahin ng team na dukutin kung ano man 'yung puwedeng importante or mahalagang gamit po nu’ng biktima,” dagdag ni Desamito.
Umamin sa pagnanakaw ang ilan sa mga suspek batay sa video mula sa Bacoor Police.
“‘Pag may pinopormahan na. Katabi po ako, tinatakpan ko 'yung dito (balikat) niya tapos ‘yun lang po. ‘Pag nakuha na, bababa na kami,” sabi ng isa sa mga lalaking suspek.
“Ako po 'yung kumukuha ng cellphone po,” sabi ng isa pa sa mga lalaking suspek.
Ngunit habang nasa detention facility, itinanggi ng ilan ang paratang tungkol sa droga.
“Bigla na lang po lumabas 'yung gano’n,” sabi ng isa sa mga suspek.
Nasa Bacoor Custodial Facility na ang mga suspek.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, samu’t sari ang kanilang modus, kabilang ang dura-dura, laglag-barya, at ipit, na mga taktika para lituhin ang atensyon ng biktima bago isagawa ang pagnanakaw.
Naisumite na sa Cavite Provincial Forensic Unit ang mga nakumpiskang droga at armas para masuri.
Inihahanda na ang mga reklamo laban sa mga suspek gaya ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at illegal possession of firearms and ammunition. —Jamil Santos/KG GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.