Magkapatid na sakay ng motorsiklo, patay nang salpukin ng van na may ataul sa Negros Oriental

Nasawi ang isang magkapatid na nakasakay sa motorsiklo nang masalpok sila at pumailalim sa isang funeral van na may sakay na ataul sa Ayungon, Negros Oriental.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Biyernes, makikitang sinisilip ng mga tao ang ilalim ng van matapos na masalpok at makaladkad nito ang magkapatid na biktima sa Barangay Iniban noong gabi ng Nobyembre 11, 2026.
Pauwi na ang mga biktima na edad 22 at 16, at parehong estudyante, nang masalpok sila ng van na mabilis umano ang takbo, ayon sa pulisya.
Kaagad na nasawi ang magkapatid habang kritikal naman ang lagay ng driver ng van na isinugod din sa ospital.
Nadamay at nagtamo rin ng mga sugat ang tatlong tao na naglalakad sa gilid ng kalsada. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.