Suspek sa Krakow mass shooting sa Poland na 6 ang nasawi, namatay sa ospital

Namatay na sa ospital ang 24-anyos na suspek sa pamamaril sa Krakow, Poland noong Sabado na nagresulta sa pagkakasawi ng anim katao, ayon sa pulisya nitong Lunes.
Kakaunti pa lamang ang impormasyong inilalabas tungkol sa suspek na binaril ng mga pulis at inaresto ilang minuto matapos niyang pagbabarilin ang mga tao habang nasa loob siya ng kaniyang sasakyan sa makasaysayang plaza ng Krakow.
Nauna nang sinabi ng mga awtoridad na posibleng naimpluwensiyahan ng far-right ideology ang suspek, na residente ng Ostrowiec Swietokrzyski sa timog-silangang Poland. Gayunman, hindi nagbibigay ng karagdagang detalye ang pamahalaan.
Sa lumabas na mga video, nakita ang suspek na walang takot na nakipagbarilan sa mga pulis, na kaniya ring nasugatan.
Tila binawi naman ng mga opisyal ang nauna nilang pahayag matapos kuwestiyunin ng mga politiko mula sa nationalist opposition ang batayan ng pahayag ng interior minister na far-right ideology ang motibo ng suspek.
"Until the matter is fully clarified and the authorities are in possession of complete information, it is best to refrain from making comments, even if there are some initial indications," pahayag ng government spokesman Adam Szlapka sa TVN24.
Sinabi naman ni Justice Minister Waldemar Zurek nitong Lunes na magpapatuloy ang imbestigasyon sa kabila ng pagkamatay ng suspek upang matukoy kung mag-isa lamang itong kumilos o naimpluwensiyahan ng anumang grupo.
"Evidence is being collected, but I will not show or disclose it. I ask for restraint," sabi ni Zurek sa Radio Zet.
Nauna namang sinabi ng tagapagsalita ng interior ministry nitong Lunes na maraming iba't ibang simbolo ang nakikita sa damit ng suspek na bahagya nang sinuri ng mga awtoridad upang alamin ang kahuluga.— ulat mula sa Reuters/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.