Security breach?: Pope Leo, sapul sa mukha ng tila rosaryong ibinato ng isang deboto sa Peru

Nahuli-cam nitong Lunes ang pagtama ng isang tila rosaryo sa mukha ni Pope Leo na inihagis ng isang mananampalataya habang nasa popemobile siya papunta sa isang farewell Mass sa Peru.
Sa ulat ng Reuters, sinabing matatapos na si Pope Leo ang 12-araw na pagbisita sa South America. Nakilala siya sa mabilis at maliksi niyang mga kamay, at madalas na sinasalubong ng mga deboto na may inihahagis sa kaniya na iba't ibang bagay habang naglilibot.
Ngunit nitong Lunes, habang sakay ng popemobile, hindi nasalo ni Pope Leo ang isang bagay na inihagis sa kaniya mula sa direksiyon ng napakaraming deboto na nagtipon-tipon sa isang airbase sa Lima bago siya bumalik sa Roma.
Makikita sa mga larawan at video na ilang beses na kinuskos ng Santo Papa ang kanyang mata matapos siyang tamaan ng bagay na ibinato sa kaniya. Binabati at binabasbasan niya noon ang mga taong nag-aabang sa kaniyang daraanan patungo sa misa.
Batay sa mga larawan, pinaniniwalaang rosaryo ang naturang bagay na tumama sa Santo Papa. Karaniwang pinababasbasan ng mga deboto sa Santo Papa ang mga naturang beads na ginagamit sa pagdarasal.
Sa kabila ng nangyari, ipinagpatuloy ng Santo Papa ang kaniyang paglilibot at walang indikasyong nasugatan siya sa insidente. Ipinagpatuloy niya ang kaniyang ginagawa at may isang bata pa siyang hinintuan para basbasan.
Sa kaniyang sermon, nagpasalamat siya sa mga Peruvians sa mainit na pagtanggap sa kaniya sa anim na araw niyang pagbisita sa bansa, na tinawag niyang homeland.
Sa kaniyang edad na 71-anyos, itinuturing ng iba na hindi pagkaraniwang si Pope Leo dahil maliksi pa at naglalaro ng tennis. Sa isang nakaraang pagtitipon sa Roma, humingi siya ng paumanhin sa Vatican videographer na nasa likuran ng kanyang popemobile matapos niya itong matamaan habang sinusubukan niyang saluhin ang isang bagay na inihagis sa kaniya.
Ang naturang bagay, hindi rin niya nasalo noon.—ulat mula sa Reuters/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.