Baste Duterte idineklara bilang hostile witness ng impeachment court
_2026_09_29_12_47_26.jpg)
Idineklara ng Senate impeachment court si Davao City Mayor Sebastian "Baste" Duterte bilang hostile witness para sa impeachment trial ng kaniyang kapatid na si Vice President Sara Duterte.
“The adverse interest of the witness has been established, and [as such] declared a hostile witness,” sabi ni Senate impeachment court presiding officer Francis “Chiz” Escudero.
Nauna nang binanggit ni private prosecutor Theodore Te na may parehong magulang ang alkalde at ang Bise Presidente, dahil pareho silang anak nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Elizabeth Zimmerman.
Gayundin, sinabi ni Te na “publicly prejudged” na ng alkalde ang kaso sa pamamagitan ng mga pahayag na nilalayong pigilan ng impeachment ang kaniyang kapatid na manalo sa 2028 presidential election at inilarawan ang mga paglilitis bilang "so-called lawful.”
Panghuli, binanggit ni Te na nagpatotoo lamang ang alkalde dahil inutusan siya ng impeachment court ng Senado na gawin ito.
Hindi sumang-ayon si defense lawyer Justin Gular kay Te, na sinabing hindi awtomatikong nangangahulugan may “hostility” ang isang politikal na pahayag.
Sa huli, sumunod ang parehong partido sa desisyon ng korte ng Senado.
Nauna nang sinabi ng alkalde na nakakuha ang GenCorp. Industries Inc., na isang declared business interest ng kaniyang kapatid, ng P34 milyong halaga ng mga kontrata ng gobyerno mula sa Davao city government nang patas o “above board.”
Gayunpaman, sinabi ng alkalde na wala siyang alam tungkol sa interes sa negosyo ng kaniyang kapatid sa GenCorp. gaya ng makikita sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) ng Pangalawang Pangulo noong 2024 at 2025. — VBL GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.