Sens. Alan Peter at Pia Cayetano, balik-Pilipinas na matapos 'magpahinga' sa Singapore

Sinabi ni Senator Alan Peter Cayetano nitong Linggo na nagpunta lamang siya at ang kaniyang pamilya sa Singapore upang magpahinga, kasunod ng mga tanong tungkol sa dahilan ng kanilang biyahe sa ibang bansa.
Sa isang Facebook Live noong madaling-araw ng Linggo, sinabi ni Cayetano na pribado ang kanilang biyahe at wala namang dahilan upang hindi sila makapaglakbay.
“Private yun at gusto lang magpahinga,” anang lider ng grupong minorya sa Senado
Nakita ang magkapatid na Cayetano na dumarating sa Ninoy Aquino International Airport noong madaling-araw ng Linggo.
Nauna nang sinabi ni Sen. Pia na hindi siya nagtatago. Ipinaliwanag niya na nagtungo siya sa Singapore para suportahan ang Philippine Padel National Team sa Asian Games.
Sinabi ni Sen. Alan na inihayag mismo ng mga “responsableng” opisyal ng gobyerno, kabilang ang mga mula sa Bureau of Immigration at Office of the Ombudsman, na walang dahilan upang hindi sila makabiyahe.
Ikinagulat umano niya na naging isyu ang kanilang “routine, quiet and short” trip, na iniugnay niya sa tinawag niyang mas lalong “toxic” na political environment sa bansa, na mabilis umanong gumawa ng alitan at kontrobersiya ang mga tao.
Nagdulot ng mga tanong ang pagpunta sa ibang bansa ng magkapatid na Cayetano kasunod ng mga ulat na iniuugnay ang lider ng minorya sa kontrobersiya tungkol sa pagtatayo ng cauldron o “kaldero” na ginamit noong 2019 Southeast Asian Games.
Nagsumite rin si Senator Panfilo Lacson sa Ombudsman ng mga case study, na sinusuportahan ng mga opisyal na dokumento, na naglalahad ng umano’y “sistematikong iregularidad” sa mga proyekto sa imprastraktura para sa flood control sa Taguig City, na political bailiwick ng mga Cayetano.
Tinawag ito ni Alan Cayetano na “persecution” ni Lacson sa kaniya at sa kaniyang pamilya, gayundin sa Taguig.
“Pinapaubaya ko na sa Panginoon,” anang senador.
Sinabi ni Alan na ang mga bantang kaso, mga imbestigasyon, at umano’y patuloy na nagbabagong mga alegasyon ay bahagi ng kapalit ng pakikipaglaban niya para sa bansa. — FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.