1 sa riding-in-tandem na nangholdap sa Mandaluyong, huli; shabu umano, baril at mga plaka ng sasakyan, nakumpiska

Timbog ang isa sa riding-in-tandem na mga suspek sa panghoholdap sa Barangay Highway Hills, Mandaluyong. Hinihinalang shabu, baril at mga plaka ng sasakyan ang nakumpiska sa kaniya.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, sinabi ng pulisya na biktima ang isang 35-anyos na lalaki na patungo lang sana sa gym nang maganap ang insidente.
“Naglalakad po itong ating biktima. So hahablutin po sana nitong dalawang suspect ‘yung kaniyang cellphone po. So ‘yun nga, naka-react siya at saka nakatakbo at saka humingi ng tulong. So nagkataon naman na na meron tayong mga kapulisan doon sa area na nagpapatrolya po,” sabi ni Police Colonel Rey Ochavo, hepe ng Mandaluyong Police.
“So isinakay itong ating biktima para habulin itong suspects dahil identified niya naman po. So 'yung isa ay nakasuot pa nga ito ng motorcycle taxi services,” dagdag ni Ochavo.
Mula sa pinangyarihan ng insidente, mahigit isang kilometro ang itinakbo ng pulisya para tugisin ang nakatakas na riding-in-tandem.
Nakatalon ang angkas habang nakorner sa isang bahagi ng kalsada sa Shaw Boulevard ang 26-anyos na rider ng motorsiklo.
“Pagtumba niya nakita sa possession niya 'yung baril nandito nakalagay. Upon opening ng motor, vinerify namin 'yung laman, ito po ang mga nakuha. 'Yung cable tie which is pinampapalit-palit nila sa mga plaka. Pag-open po namin ng bag na 'to, nakita namin 'yung plaka. Ang dami niyang dalang plaka na iba-iba,” sabi ni Police Staff Sergeant Arthur Tataro, investigator ng Mandaluyong Police.
Batay pa sa imbestigasyon, hindi nakapangalan sa mga suspek ang ginamit na motorsiklo sa krimen.
Nakaalarma at nasa monitoring na rin ng MMDA ang plaka, na ninakaw umano ng mga suspek. Bine-verify na ito ng kapulisan sa HPG at LTO.
Narekober din sa suspek ang pakete ng hinihinalang shabu at .38 na revolver na may bala.
Sinabi ng pulisya na tugma rin ang motorsiklong narekober sa ginamit na motor ng nahuli-cam na riding-in-tandem sa mga nakaraang insidente ng panghoholdap sa Mandaluyong at mga katabing lungsod.
Sinabi ng suspek na galing siya sa trabaho bilang isang delivery rider at niyaya lamang ng kaniyang kaibigan na sumama sa raket. Inutusan siya nitong magpalit ng uniporme at mag-drive ng motorsiklo.
Dagdag niya, paghahatian nila ang perang makukuha kapag naibenta ang mga cellphone na kanilang mananakaw.
“Dala lang po ng pangangailangan. Nadamay na lang po ako. Niyaya niya po ako na sumama daw muna tapos dinala niya po ako sa lugar na ‘yon. Sa kaniya po 'yung motor na ‘yun. Hindi ko po nga alam ba't po may drugs ‘yun saka baril. Siya na lang daw po 'yung kukuha, ako na lang ang magda-drive na lang daw po,” ayon sa suspek.
Sasampahan ang suspek ng reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at illegal possession of firearms and ammunition.
Patuloy ang pagtugis sa nakatakas na salarin. —Jamil Santos/ VAL GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.