'Esmeringhoy,' ipinagbawal banggitin sa isang paaralan sa Pangasinan

Ipinagbabawal ang paggamit ng salitang “Esmeringhoy” sa isang paaralan sa Bani, Pangasinan matapos itong mag-viral sa social media na tumutukoy sa “marital intimacy.”
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon, sinabing ang kautusan ay inilabas ng pamunuan ng Supreme Secondary Learner Government (SSLG) ng Bani East Integrated School.
“The use of the word 'Esmeringhoy' is strictly prohibited on school grounds, during official school events, and across all online platforms affiliated with our school,” saad sa anunsyo.
“Dapat hindi po sana namin gamitin na mga students, lalo na kami po po ay mga menor de edad po po. I-uphold po natin yung GMRC natin. I-uphold po natin ‘yung high moral standard natin dito sa school,” sabi ni Sheena Galzote, SSLG Vice President ng Bani East Integrated School.
BASAHIN: Nanay Evelyn, 'di sadyang banggitin ang 'esmiringhoy' na nag-viral
Una itong inanunsyo ng paaralan sa kanilang official Facebook page.
“Naging concern po 'yun dito sa school dahil ang mga bata, malaya nilang sabihin 'yun na hindi siya something educational. ‘Pag nasa canteen, kapag nasa classroom, bigla na lang nilang jokingly siguro ay sinasabi 'yun,” sabi ni Mary Grace Villacorta - Suyat, Principal III ng Bani East Integrated School.
Dagdag ng punong guro, naglibot sila sa bawat classroom para ipaliwanag ang naturang anunsyo.
Umamin ang pamunuan ng paaralan na mahirap i-monitor ang mahigit 1,500 learners, ngunit tiwala silang magbibigay ito ng disiplina sa mga mag-aaral.
“Sa school natin. Pino-promote natin ng inclusivity, dapat walang discrimination, walang disrespect, and 'yung moral standard din ng school na hindi natin gagawin at sasabihin 'yung mga salitang 'yun,” dagdag ni Villacorta - Suyat.
Sasailalim sa counseling at verbal warning sa first offense ang sino mang mahuhuli na lumabag dito.
Bibigyan naman ng written warning at ipatatawag ang magulang para kausapin ng adviser at guidance counselor sa second offense.
Sa third offense, ipatatawag na sa principal's office ang mag-aaral na hindi susunod sa kautusan.
Dagdag ng punong guro, hindi lahat ng trending ay nararapat gayahin, at kailangang maging maingat sa mga salitang sasabihin. – Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.