Binatilyo, isinumbong sa NAPOLCOM ang pulis na nanghampas umano ng baril kaniyang balikat

Dumulog sa National Police Commission nitong Biyernes ang isang 17-anyos na binatilyo matapos siyang makaranas umano ng pananakit mula sa isang pulis.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GTV News Balitanghali nitong Biyernes, sinabing kasama ng binatilyo ang kaniyang ama nang magtungo sa tanggapan ng ahensiya upang magsumbong sa naranasan umanong pagmamalupit mula sa isang pulis.
Ayon sa binatilyo, nagmamaneho siya ng motorsiklo angkas ang kaniyang tiyuhin sa may Pulilan – Baliuag Bypass Road noong gabi ng Oktubre 31, nang madaanan nila ang isang grupo ng mga pulis.
Pagkatapat nila sa isang pulis, bigla na lang umano siyang pinalo ng mahabang baril sa kanang balikat.
Dinala din sila sa police station at in-impound ang kaniyang motorsiklo.
Sinabi ng binatilyo na walang nakalagay na signages para isipin niyang may checkpoint sa lugar.
Samantala, napaiyak naman ang ama ng binatilyo dahil sa sobrang sama umano ng loob sa naranasan ng kaniyang anak.
Dalawang linggo na umano siyang hindi nakapapasok sa trabaho matapos ang insidente dahil siya ang nag-aalaga sa anak.
Itutuloy umano ng mag-ama ng reklamo laban sa nasabing pulis at hindi sila magpapaareglo.
Sinabi naman ni NAPOLCOM Commissioner Rafael Calinisan, na nakikipag-ugnayan na sila sa Baliuag Police kaugnay ng insidente. Nangako ito na papanagutin ang pulis kung mapapatunayan na totoo ang alegasyon ng menor de edad.
Posible din umanong madamay ang iba pang kasamahan ng pulis kung mapatutunayan din na nagsagawa sila ng improper checkpoint.
Batay sa salaysay ng bata, tila hindi nasunod ang mga panuntunan sa pagsasagawa ng isang lehitimong checkpoint, kung checkpoint talaga ang ginawa ng mga pulis sa lugar. – Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.