'Maleta boy' witness, kinompronta ng kampo ni Romualdez tungkol sa 'pagkakamali' sa affidavit at pagbawi sa pahayag

Kinompronta ng kampo ng dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez ang testigo ng prosekusyon na si Rodante Orbillo kaugnay ng kaniyang pirma sa pinagsamang affidavit noong Pebrero 2026 ng 18 dating bodyguard ni dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co. Mayroon umanong mali sa salaysay, na inihayag mismo ng kaniyang abogado na si Atty. Levito Baligod.
Ginawa ni Atty. Rashel Ann Pomoy, abogado ni Romualdez, ang pag-usisa sa ikatlong araw ng pagdinig sa petisyon ng dating Speaker para makapagpiyansa. Naglabas siya sa korte ng mga video kung saan sinabi ni Baligod na nagkaroon ng pagkakamali sa pinagsamang affidavit noong Pebrero 2026 ng 18 dating bodyguard, dahil isinama rito sina Senador Loren Legarda at ML party-list Representative Leila de Lima.
Ayon kay Pomoy, ang naturang affidavit ang naging ugat ng mga sumunod na paratang laban kay Romualdez at sa iba pang opisyal ng pamahalaan. Inanunsiyo rin ito sa isang press conference na naroon si Orbillo, na kalaunan ay humantong sa pagsasampa ng kasong plunder na nagkakahalaga ng P7.4 bilyon laban sa kaniyang kliyente noong nakaraang Setyembre.
Nang tanungin ni Pomoy kung alam niya ang mga pahayag ni Baligod na may mga pagkakamali sa affidavit noong Pebrero, sumang-ayon si Orbillo.
Tumutol naman ang prosekusyon sa linya ng pagtatanong ng depensa, at sinabing hindi maaaring sumagot si Orbillo para sa mga pahayag ni Baligod.
Gayunman, iginiit ni Pomoy na maaaring tanungin si Orbillo tungkol dito dahil nilagdaan niya ang affidavit noong Pebrero 2026.
"He is one of the affiants (signatories) of the affidavit as indicated by Atty. Baligod. These [errors] directly affect the matters of the affidavit because [there are] affiants who have recanted inclusion of certain individuals, and that Atty. Baligod said these were errors," ani Pomoy.
"We want to know who is the person that is behind them coming out and saying these things," dagdag ng abogado.
Sa cross-examination kay Orbillo, binanggit din ni Pomoy ang pagbawi sa mga naunang pahayag nina Mark Bunagan at Dennis Loma. Sa affidavit ni Orbillo noong Agosto 2026 na isinumite sa Office of the Ombudsman, sinabi niyang kasama niya ang dalawa sa paghahatid ng pera kay Romualdez.
Sinabi ni Orbillo na hindi niya alam ang pagbawi sa mga pahayag nina Bunagan at Loma.
"Hindi ko alam iyong pinapasinungalingan," ani Orbillo.
Tinanong din ng abogado ni Romualdez si Orbillo kung alam niyang binawi nang mga umano’y whistleblower na sina Orly Guteza, Rosebert Waupan, at Benny Boluntante—na kabilang sa 18 dating bodyguard ni Co—ang kanilang mga pahayag laban kay Romualdez.
Muling sumang-ayon si Orbillo na batid niya ang nangyari.
Sa redirect examination ng prosekusyon, sinabi rin ni Orbillo na hindi bababa sa 10 beses siyang naghatid ng pera kay Romualdez na nakalagay umano sa mga maleta. Gayunman, wala umano sa lugar si Romualdez sa mga naturang pagkakataon.
Tinanong ni Sandiganbayan Third Division chairperson at Associate Justice Karl Miranda si Orbillo kung bakit pinili niyang tumestigo kahit may mga alok umano na P15 milyon hanggang P20 milyon, gaya ng kaniyang pahayag.
Sagot si Orbillo: “Kung kumagat po kami sa offer nilang iyon, wala na pong magsasalita sa nangyaring korapsyon sa flood control.”
Bilang tugon, pinaalalahanan ni Miranda si Orbillo na para lamang sa kaniyang sarili ang dapat niyang sabihin.
"Don't speak for the others. Ang tinatanong ko, ikaw," ayon sa mahistrado.
Giit ni Orbillo, tumestigo siya "para sa bayan."
Ngunit sabi ni Miranda, "Madaling magsabi na para sa bayan, lalo na kung malalaking amount ang involved."
Tugon naman ni Orbillo, "Gusto lang po namin maglahad ng katotohanan." — FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.