[Tambay] Ginoong Amba, dati na po kaming takot

Already have Rappler+?
to listen to groundbreaking journalism.
Sabi ng ambassador ng Tsina, pasalamat daw ang Pilipinas at may kapit-bansa itong tulad ng Tsina na hindi gumagamit ng dahas. Teka, teka, hindi gumagamit ng dahas?
AT A GLANCE
- Nagdulot ng kontrobersya ang mga pahayag ni Chinese Ambassador Jing Quan tungkol sa Pilipinas, kung saan marami ang nag-interpret sa kanyang mga sinabi bilang mga banta sa halip na mga pahayag na diplomatiko.
- Binigyang-diin ni Ambassador Jing ang kapayapaan sa rehiyon, ngunit hindi niya tinugunan ang mga agresibong aksyon ng Tsina sa West Philippine Sea — bagay na nagdulot ng pag-aalinlangan tungkol sa kanyang mga intensyon.
- Nagbago ang tono ng Embahada ng Tsina sa Maynila at naging mas agresibo sa social media simula nang dumating si Ambassador Jing; sumasalamin ito sa mas malawak na estratehiya na kinapapalooban ng mga komprontasyon kapwa sa karagatan at sa online.
This is AI-generated. Read the article for full context. Report any errors.
Asal sanggano itong bagong ambassador ng Tsina. Ito ang napuna ng grupo naming mga komentaristang kalye. Laman kasi ng mga legacy at social media ang tila pananakot ni Chinese Ambassador Jing Quan sa Pilipinas.
Nasabi kasi ni Amba na “pasalamat nga kayo hindi gumagamit ng dahas ang China” pagdating sa banggaan ng Tsina at Pilipinas sa West Philippine Sea. Ang basa ng mga kadaldálan ko, ang nakakubling mensahe nito ay “nagtitimpi lang kami sa inyo, huwag ninyo kaming subukan.”
Dito sa Pilipinas masama ang datíng ng binitawang salita ni Amba. Ganiyang-ganiyan ang linya ng mga kontrabida sa mga lumang pelíkulang Pinoy. Kadalasan sa mga sinaunang síne, pagkabigkas ng mga maton ng ganyang klase ng pagbabanta, susunod agad na eksena ay suntukang umaatikabo.
May nagbanggit doon sa kumpulan naming mga usisero, na ayon kay Amba Jing, hindi daw siya nananakot at “taken out of context” and “blown out of proportion.” Media daw ang may kagagawan.
Para naman fair kay Amba Jing, kinuha ko sa social media post ng Chinese Embassy Manila yung sinabi niya sa sideline ng isang forum kung saan naínterbiyu siya ng ilang reporter: “We should feel fortunate enough that you have a neighbor like China in this region. If we want to use force, we may easily win. But no, we will not choose force, and we love peace. In this region, we enjoy peace. Look at other regions: Ukraine, Gaza and even Venezuela. What happened there. We should cherish peace in this region.”
Peace o kapayapaan ba ika niya? Sa panayam na iyon, nasabi din ni Amba Jing yung mga Chinese language teacher at volunteer na kusang umuwi sa kanilang bansa dahil sa kaba sa personal nilang seguridad. Dinagdag din ni Amba na may mga hinuling manggagawang Tsino dito sa Pinas.
Pero nakalimutan niya yung mga binomba ng Chinese Coast Guard ng water cannon. Mga barko ng Philippine Coast Guard pinunteryá, at hindi gumanti ang mga kababayan natin. May mga binanggang barko ng PCG at ng Bureau of Fisheries.
Walang banggit din sa libo-libong higanteng barko ng Chinese militia na rumoronda sa loob ng West Philippine Sea. Wala rin siyang sinabi sa “freedom of navigation in the South China Sea.”
Inaangkin kasi ng Tsina ang halos buong karagatan na ito, kahit “international waters” ang turing dito ng maraming bansa. Pati nga mga isla na nasa loob ng bakuran ng Pinas, inaangkin ng Tsina. Nagpatayo rin ang Tsina ng base militar sa tabing bakúran natin sa karagatan.
Kay palad ng Pilipinas at kapit-bansa niya ang Tsina, ika ni Amba. “We love peace” sabi niya. Pero bakit nung Hulyo lumabas ang isang propaganda animation video sa China Daily na inihalintulad sa mga unggoy ang mga Pinoy.
Pakana ito ng estado ng Tsina, dahil nga lahat ng media at impormasyon sa kanilang bansa ay kontrolado ng pamahalaan. Sa video na iyon, minaliit ng Tsina ang panalo ng Pinas sa Hague ruling sa West Philippine Sea.
Ginoong Amba, masabi lang po ng tambay na ito nang may buong paggalang, hindi po naghahanap ng basag-ulo ang Pilipinas. Kabaliwan ang magpaka-basagulero ang Pinas diyan sa pinagtatalunang karagatan. Alam ng mga Pinoy na dehado kami kapag magkaroon ng bakbakan diyan. Gulpi ang aabutin namin. Hindi ninyo na po kailangan ipaalala iyan, Ginoong Amba.
Walang Pinoy na may tamang katinuan ang mag-aakalang may katiting na pag-asa tayo laban sa puwérsang Tsino.
Amba, hindi ninyo na po kailangang kaming takutin. Matagal na kaming takot. Dambuhala kontra bulilit ang sitwasyong iyan.
Pero huwag ninyo rin kaming mamaliitin. Hindi dahil ga-bubwit lang ang Pinas kumpara sa Tsina ay maari na ninyong gawin ang lahat ng gusto ninyo.
Kakasa kami para ipagtanggol ang sa amin. Kahit damulag ang manghimasok sa lugar namin, maninindigan kami. Hindi na usapan ng manalo-matalo iyan. Ipagtatanggol namin ang aming soberanya.
* * *
Nabanggit din lang naman ni Amba Jing ang “peace” kapansin-pansin ang pagbabago ng online persona ng Chinese Embassy Manila. Masigasig na mag-post ng sagot ang Chinese Embassy sa social media. Naiba na rin ang tono nito, mas agresibo.
Kapansin-pansin ang pagpíhit nito. Dati ang Ministry of Foreign Affairs ng Tsina na nasa Beijing ang mahilig manundot o manduro sa gobyerno ng Pilipinas, samantalang tikom ang bibig o kaya’y may diplomasya ang mga asal ng kanilang embahada sa Maynila. Pero ngayon, o mula ng dumating ni Ambassador Jing Quan, may sipa na ang mga komento sa social media ng Chinese Embassy of Manila.
Ang analisis ng isang kapwa kong nagdudunung-dunungan ay may basbas ng Chinese Communist Party ang kabangisan sa pananalita ni Amba at maging sa mga pahayag sa social media ng kanilang embahada.
Sa madaling salita, bukod sa pagiging marahas sa karagatan, ganoon na rin ang kanilang diskarte online. Kaya bardagulan sa West Philippine Sea, ay nasa karagatan at sa social media na rin.
* * *
Samantala, ang guwapo ng postura ni Senador Robin Padilla nung dumalo siya sa event ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry. Yang mga pagdalo sa ganyang mga event, bahagi yan ng trabaho ng mga senador.
Sa mga photos sa FB page ni Senador Padilla, imbitado din sa piging si Amba Jing. Sabi ni Robin sa post niya:
“Alhamdulillah. Maraming salamat sa Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. sa kanilang imbitasyon na maging panauhin sa 2026 ASEAN Chinese Business Leaders Summit. Isang malaking pagkakataon ito upang makausap nang personal ang Ambassador ng China na si Ginoong Jing Quan. Edukado, gentleman, at diretsong kausap ang Ginoong Tsino. Mainam na maging personal at harapan ang pakikipag-usap sa kanya upang maiwasan ang hidwaan dulot ng mga palitan ng salita na hindi makapagdudulot ng kapayapaan at kaunlaran.”
Sa diretsong usapan ni Padilla at Amba, natanong kaya ng senador kung bakit ganoon ang trato ng China sa mga kapatid niyang Muslim sa Xinjiang. Sa talaan kasi ng United Nations nakatala ang kalupitan ng pamahalaan Tsina sa katutubong Uyghurs, na Muslim minority group sa Xinjiang.
Sana naitanong din ng senador kay Amba kung bakit ganoon din tratuhin ng Chinese Coast Guard ang kanilang counterpart na Philippine Coast Guard. – Rappler.com
Si Chito de la Vega ay Tambay ng Rappler dalawang beses kada buwan. Kasama rin siya sa mga anchor-host ng programang Balita Kwento Serbisyo ng DZME 1530.
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.