Bungo, nakitang nakatiwangwang sa butas na nitso sa Manila North Cemetery
_2026_10_31_20_49_25.jpg)
Isang bungo ng tao na nakausli sa isang butas na nitso ang bumungad sa Manila North Cemetery sa pagdiriwang ng Undas.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, makikita na maliit ang nitso, walang lapida o nakasulat na pangalan ang nitso, na nasa gilid ng bakod ng sementeryo katabi ng A. Bonifacio Avenue.
Agad naman itong pinaimbestigahan ng pamunuan ng sementeryo.
Hinala ng pamunuan ng sementeryo, sadya ito ng mga hinulihan nila ng hagdanan na nagpapatawid sa mga tao sa bakod ng sementeryo kapalit ng pera.
“Sinadya siguro. Siyempre, nawalan sila ng hanapbuhay. Umaakyat sila doon sa hagdanan. Talagang imposibleng mangyari, nakalawit eh. Puwede nabuksan, natapakan, na-ano, o kaya, nabasag. Pero ‘yan nakalawit talaga, talagang sinadya ‘yan. Nagulat nga ako na nangyari ‘yan,” sabi ni Daniel Tan, Director ng Manila North Cemetery.
Ipapasok sa nitso ang bungo at ipasasara ng pamunuan ng sementeryo.
Nitong 5 p.m. umabot sa 93,000 ang crowd estimate ng Manila Police District sa Manila North Cemetery, na malayo sa inasahan ng pamunuan ng sementeryo na kalahating milyong bisita. —Jamil Santos/VBL GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.