2 turistang Pinoy na patungo sa Oktober beer fest sa Germany, nasawi sa aksidente

Dalawang Pinoy ang nasawi nitong Linggo matapos bumaligtad ang sinasakyan nilang bus sa isang motorway sa Buchloe, Germany, habang patungo sa Oktober beer festival, ayon sa pulisya.
Sinabi sa Agence France-Presse ng tagapagsalita ng Upper Bavaria police prefecture, na isang grupo ng humigit-kumulang 50 turistang Pinoy ang sakay ng bus na inarkila ng isang travel company at patungo sa Oktoberfest sa Munich.
Nangyari ang aksidente dakong 4:00 am., at walo pang pasahero ang malubhang nasugatan.
Ayon naman sa German newspaper na Bild, sinabi ng tagapagsalita ng pulisya na isang biktima ang namatay sa mismong lugar ng aksidente, habang ang isa pang biktima ang pumanaw kalaunan dahil sa mga tinamong pinsala.
Batay sa mga lokal na ulat, naging malawak ang isinagawang operasyon ng mga emergency responder na isinagawa sa lugar ng aksidente. Tinatayang nasa 250 emergency personnel umano ang ipinadala sa lugar.
Isinara sa magkabilang direksiyon ang motorway dahil sa nangyari.
Sa isang post sa Facebook, sinabi ng Philippine Consulate General sa Frankfurt na labis nitong ikinalulungkot ang aksidente at patuloy itong nakikipag-ugnayan sa German police at iba pang kinauukulang awtoridad.
Batay sa paunang resulta ng imbestigasyon, lumabas sa kalsada ang bus bago ito bumaligtad malapit sa Buchloe, isang lugar na 'di kalayuan sa border ng Austria. Galing umano ito sa bayan ng Mailand.
Sinabi ng Philippine Consulate General sa Frankfurt sa GMA News Online na bineberipika pa nito ang pagkakakilanlan ng mga biktima at kinokolekta ang mga ulat mula sa mga lokal na awtoridad.
“The Philippine Consulate General in Frankfurt and the Philippine Honorary Consulate in Munich are in close contact with the German police and relevant authorities and is coordinating with them regarding the Filipino nationals affected by the incident,” saad nito.
Sa isang post sa Facebook, sinabi naman ni Philippine Consul General sa Milan Jim Tito San Agustin na ipinaaabot ng konsulado ang lubos na pakikiramay sa mga pamilya at mahal sa buhay na naapektuhan ng malagim na aksidente sa Bavaria, Germany.
Nakikipag-ugnayan umano amg konsulado ng Pilipinas sa Frankfurt kaugnay ng mga Pilipinong naapektuhan ng insidente.
"For the next-of-kin based in Milan, they may coordinate with the Philippine Consulate General in Milan through its ATN Hotline: +39 389 683 5076," dagdag nito.
"We join the families and loved ones in praying for the immediate and full recovery of those who were injured in the accident," sabi pa ni San Agustin. — mula sa ulat ng Agence France-Presse/Andy Peñafuerte III/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.