Cale88 na konektado sa asawa ni Sara Duterte, nagsara ng 2 bank account noong Hulyo

Nagsara ang dalawang checking account ng Cale88, isa sa mga nakalistang negosyo ng asawa ni Vice President Sara Duterte na si Manases Carpio, noong Hulyo, na parehong buwan kung kailan nag-umpisa ang impeachment trial ng Pangalawang Pangulo.
Nagbigay ng testimonya si Leslie Cham, pinuno ng Security Bank Branch Banking Group, sa ika-35 araw ng impeachment trial nI Duterte habang nagtatanong si Senator-judge Francis Pangilinan.
Nagpatotoo si Cham na dalawang checking account ng Cale88 Foods Corporation ang binuksan noong Agosto 2024 at Oktubre 2025, ayon sa pagkakabanggit, ngunit pareho itong isinara noong Hulyo 2026.
"Both closed [in] July 2026," sabi ni Cham.
Nagsimula ang impeachment trial ni Duterte noong Hulyo 6.
Sinabi ni Cham na isa sa mga account ang may ending balance sa katapusan ng 2025 na hindi bababa sa P332,000, habang nagtala ang isa pang account ng ending balance na P21,000 noong Disyembre 2025.
Nauna nang nagpatotoo si Anti-Money Laundering Council (AMLC) Executive Director Ronel Buenaventura na may aggregate covered suspicious transactions ang Cale88 Foods Corporation na nagkakahalaga ng P1.25 bilyon mula 2022 hanggang 2025.
“We have CTRs (Covered Transaction Reports), STRs (Suspicious Transaction Reports) from 2022 to 2025. For Cale88, the aggregated amount is P1,254,736,297.08,” sabi ni Buenaventura.
Sinabi rin ni Buenaventura sa impeachment court na kasama sa P1.25 bilyong na covered at suspicious transactions ang P319 milyong inward remittance mula sa China na natanggap ng Cale88.
Isa ang Cale88 sa business interests na nakalista sa ilalim ng magkasanib na Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) i Duterte at ng kaniyang asawa sa loob ng maraming taon, kabilang ang mga taon nang manungkulan na ang Bise Presidente.
Nanindigan ang defense team ni Duterte na hindi sapat na batayan ang isang STR para patunayang nasangkot ang Pangalawang Pangulo sa mga ilegal na transaksyon.
Sinabi rin nila na pinagtibay ito ng saksi, na sinasabing ito ay isang legal requirement at walang ilegalidad ang maaaring mabuo batay lamang sa ulat. —Jamil Santos/AOL GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.