Lotto winner noong 2014, nakuha na ang napanalunang jackpot na P12M; may dagdag pang halos P2M na 'tubo'

Matapos ang 12 taon, nakuha na ng mananaya sa lotto ang napanalunan niyang P12 milyon na may kasama pang halos P2 milyon na “tubo.” Ang premyo, hindi niya kaagad nakuha dahil nasunog ng plantsa ang kaniyang lotto ticket.
Ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa “What We Know So Far” nitong Miyerkoles, sinabing nanalo ang lotto bettor sa Lotto 6/42 noong Oktubre 2, 2014.
Gayunman, hindi ibinigay ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang premyo dahil naplantsa ng anak niya ang winning ticket na naging dahilan para magkaroon ng itim bahagi nito.
Iginiit noon ng PCSO na kailangang mabasa nang malinaw ang mga nakasulat sa tiket.
Pero kinuwestiyon ito ng mananaya at umabot hanggang sa Korte Suprema (SC) ang kaso.
Sa huli, pumanig ang SC sa lotto winner, at inatasan ang PCSO na ibigay ang premyo noong 2023. Subalit dahil sa mga proseso, ngayong araw lang, November 25, 2026, naibigay ang premyo.
Personal na iniabot ni PCSO General Manager Melquides Robles ang tseke sa winning bettor.
Bukod sa orihinal na premyong P12,391,600, may kasama rin itong anim na porsiyentong taunang legal interest kaya umabot na sa P14,157,281 ang kabuuang matatanggap niya.
Ayon sa lalaki, malaking tulong sa kaniyang pamilya ang perang napanalunan dahil marami silang utang. Plano rin niyang magtayo ng sariling negosyo gamit ang pera.—FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.