Nagnakaw ng baril sa bahay ng retiradong hukom, huli dahil sa naiwan niyang tsinelas

Nadakip ang isang 23-anyos na lalaki na nagnakaw ng baril sa bahay ng isang retiradong hukom matapos siyang makilala dahil sa naiwan niyang tsinelas sa Pandacan, Maynila.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Miyerkules, mapanonood ang pagpasok ng isang lalaki sa gate ng isang bahay sa Barangay 864 pasado 8 p.m. nitong Linggo.
Makaraan ang mahigit kalahating oras, nagmamadaling lumabas ng gate ang lalaki na nakatakip ang mukha at wala nang suot na tsinelas.
Makikita rin ang lalaki na tumatakbo sa bahagi ng Florida Street.
Batay sa mga awtoridad, nagnakaw ang lalaki sa bahay ng isang retiradong judge na tiyempong wala noon sa bahay.
Tinangay umano ng suspek ang customized revolver ng biktima na may halagang aabot sa P80,000.
Pero natukoy ang pagkakakilalan niya matapos maiwan ang kaniyang tsinelas sa bahay ng biktima.
Sinabi ng barangay na kagayang kagaya ito ng tsinelas na suot ng lalaking si alyas "Siopao" na nakuhanan sa CCTV noong nakaraang Linggo.
Dagdag ng barangay, hindi nila residente ang lalaki pero dati siyang nakikitulog sa abandonadong bahay na katabi ng bahay ng biktima.
Doon dumaan ang lalaki para makapunta sa terrace ng biktima saka sinira ang bintana para makapasok sa ikalawang palapag.
"Alam niya 'yung pasikot-sikot ng bahay. Ay marami po [record ng pagnanakaw], mapupuno po 'yung log book. Hanggang sa pagnanakaw ng baterya, na pulis pa ang ninakawan niya," sabi ni Chairman Jose Pascual ng Barangay 864, Zone 94.
Ang babaeng apo't kasambahay ng retiradong judge lamang umano ang mga naiwan noong looban ng suspek ang bahay. Nakapagtago ang apo sa banyo saka nakahingi ng tulong.
Nadakip si alyas "Siopao" sa isang bahay nitong Lunes sa follow-up operation ng pulisya.
"Naabutan natin siya na natutulog na, nagpapahinga. Hindi na siya nakalaban. Pinatayo na lang namin siya then binasahan ng Miranda Rights. Kung hindi natin nabawi 'yung baril, maaaring gamitin niya sa mas malalang krimen," sabi ni Lieutenant Stephen Ray Serrano, Beata PCP Commander, Chief TMRU, MPD - 10.
Nabawi ang baril ng biktima mula sa suspek, na umamin sa krimen at sinabing may kasabwat pa siya sa pagnanakaw.
"Siya po ang nagbukas ng bintana. Sana po sumuko rin siya. Managot din po siya. Sana po patawarin niyo po ako. Sana po makalaya po rito. Hindi ko na po uulitin 'yung nangyari po na 'yan. Kasi kawawa po pamilya ko. Manganganak po asawa ko," sabi ng suspek.
Pero pagkasuri ng mga awtoridad sa mga CCTV, malinaw na mag-isa lang ang suspek na pumasok at lumabas ng bahay.
Na-inquest na ang suspek at nahaharap sa kaukulang reklamo. — Jamil Santos/ VDV GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.