Live-in partner na POI sa kaso ng babaeng nakitang patay at nakasilid sa ref sa Rizal, inaresto sa ibang kaso

Dinakip ang live-in partner ng babaeng nakitang patay at nakasilid sa refrigerator sa isang apartment sa Rizal, na itinuturing person of interest (POI) sa krimen. Ang lalaki, dinakip sa ibang kaso na isinampa ng kasambahay.
Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing naaresto ang 32-anyos na lalaki sa loob ng kaniyang sasakyan sa tapat ng isang convenience store sa Aurora Boulevard, Cubao, Quezon City, nitong Huwebes ng gabi.
Isinilbi sa lalaki ang warrant of arrest na inilabas ng Parañaque RTC Branch 195 para sa kasong serious illegal detention na isinampa ng kanilang kasambahay noong 2025.
“Lumalabas po sa imbestigasyon natin na 'yung kaso po nitong serious illegal detention, ito po 'yung, ang nag-file po ng kaso nito is 'yung kasambahay po ng biktima na natagpuang patay dito sa ating area of responsibility,” sabi ni Lieutenant Colonel Arwyn Gaffud, Chief of Police ng Rodriguez Municipal Station.
Itinuturing ang lalaki na Person of Interest sa pagpatay sa babaeng natagpuang nakasilid sa refrigerator sa apartment unit noong Setyembre 16.
Dinala ang lalaki at ang kaniyang sasakyan sa Rodriguez Municipal Police Station, at nagsagawa ang pulisya ng inventory sa mga gamit sa loob nito.
Umiwas na magbigay ng pahayag ang lalaki.
“Well, ang sabi niya lang sa akin, wala daw po siya doon sa mga oras na noon, wala daw po siya doon sa area noong nangyari 'yung insidente,” sabi ni Gaffud.
Matatandaang noong Setyembre, tumawag ang landlord ng isang apartment sa pulisya dahil sa pag-alingasaw ng mabahong amoy sa unit kung saan natuklasan ang katawan ng biktima na nakabalot ng kumot sa loob ng ref.
Huling nakausap ng landlord ang babaeng biktima noong Setyembre 9 umano. Kasama pa umano ng babae noon ang ipinakikilala nitong live-in partner.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na sinakal ang babae at saka isinilid sa refrigerator.
Natagpuan din ang lubid na ginamit umano para patayin ang biktima.
“Hihintayin po natin 'yung resulta ng DNA exam. After that, then we will submit 'yung case folder na yun, 'yung complaint na ihahain natin sa provincial prosecutor ng Rizal for sa kasong murder,” ani Gaffud.—Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.