2 rider, patay sa magkahiwalay na aksidente sa Ilocos Norte

Dalawang rider na edad 22 at 36 ang nasawi sa magkahiwalay na aksidente sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing nasawi ang 22-anyos na rider matapos na sumemplang ang minamaneho niyang motorsiklo habang binabagtas ang kalsada sa bahagi ng Barangay 21 sa Sarrat. Ilocos Norte.
Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nawalan umano ng kontrol sa manibela ang rider sa pakurbang bahagi ng daan na dahilan ng kaniyang pagtumba.
Nagtamo ng malubhang mga sagutan sa katawan ang biktima at hindi na umabot nang buhay nang dalhin sa ospital.
Samantala sa Laoag City, nasawi naman ang 36-anyos na rider nang mawalan ito ng balanse at bumaliktad habang nasa biyahe sa bahagi ng bypass road sa Barangay Tangid .
Nagtamo rin ng mga sugat sa katawan ang biktima na hindi na rin umabot nang buhay sa ospital.
Ayon sa pulisya, inatake sa puso ang biktima habang nagmamaneho, at kinumpirma umano ng kaniyang mga kaanak ang sakit nito sa puso.—FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.