KILALANIN: Babaeng embalsamador na isa ring nursing student

Viral sa social media kamakailan ang isang 18-anyos na babae na nakapasa sa isang licensure exam. Bukod sa pagiging maganda, kakaiba ang napili niyang propesyon na karaniwang panglalaki —ang pagiging embalsamador.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing iba’t iba ang naging komento ng netizens nang i-post ng ina ang larawan ng kaniyang anak na si Angel Lyan Brillantes, nang pumasa sa naturang pagsusulit bilang isang ganap na embalsamador.
Bukod sa mga bumati kay Angel, may mga nakakaaliw ding komento ang netizens dahil sa kaniyang ganda na nakakabuhay daw ng patay.
Ayon kay Angel, Grade 8 pa lang ay may kaalaman na siya sa pag-embalsamo dahil ito rin ang propesyon ng kaniyang mga magulang, na may negosyong punerarya sa Davao del Sur.
Kaya matapos ang ilang buwan na pag-aaral at pagsasanay, kumuha na siya ng pagsusulit tungkol sa naturang propesyon.
“Bata pa lang ako tini-train na ako ng aking papa ever since talaga. Tumutulong ako sa aming negosyo, tumutulong mag-embalm. Tapos yun na rin ang aking way of helping and supporting my family,” paliwanag niya.
Hindi rin daw siya nakakadama ng takot kapag nakakakita ng mga bangkay, na itinuturin niyang bahagi na lamang ng kaniyang trabaho. Bukod dito, nakatutulong din daw siya sa pamilya ng mga nagdadalamhati na nawalan ng mahal sa buhay.
Ang ama ni Angel na si Henry, proud sa pagpupursige ng kaniyang anak na makapasa sa licensure exam.
Ayon kay Henry, hindi madali ang paghahanda ni Angel sa naturang pagsusulit dahil kailangan niyang matuto sa mahigit 10 cadaver cases para makakuha ng pagsusulit.
Bukod sa pagtulong sa kanilang negosyong punerarya, isa ring first year nursing student si Angel. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.