PH Embassy sa Riyadh, pinag-iingat ang mga Pinoy sa Saudi Arabia

Pinag-iingat ng Embahada ng Pilipinas sa Riyadh ang mga Pilipino sa Saudi Arabia dahil na rin sa kasalukuyang kalagayan ng seguridad sa nabanggit na bansa.
Sa inilabas na abiso ng embahada, pinayuhan ang mga Pinoy sa KSA na maging alerto sa kani-kanilang lugar, maging kalmado at mapagmatyag.
“Mag-ingat sa lahat ng oras, umiwas sa mga lugar na maaaring may panganib, at manatili sa loob ng bahay kung kinakailangan lalo na kapag may babala sa seguridad,” saad sa abiso.
Pinayuhan naman ang mga bibiyahe sa eroplano na kumpirmahin muna ang flight sa airline bago magtungo sa paliparan. Maaari umanong maantala o makansela ang flight o magkaroon ng pagbabago sa biyahe dahil na rin sa usapin ng seguridad.
Kung may makikitang kahina-hinalang bagay o debris, huwag umanong lapitan, hawakan o pulutin dahil maaaring nagmula o bahagi ito ng napabagsak na missile o drone.
“Agad na lumayo sa lugar at ipagbigay-alam sa mga kinauukulang awtoridad ng Saudi Arabia,” ayon sa abiso.
Hinikayat din ang mga Pinoy sa KSA na huwag magbahagi o mag-post ng mga hindi beripikadong balita o larawan o video tungkol sa mga insidenteng may kinalaman sa seguridad, at sa halip, umasa lamang sa opisyal na mapagkukunan ng impormasyon.
Inihayag din sa abiso na normal ang operasyon ng embahada at konsulado para magbigay ng tulong sa mga Pinoy doon.
Nitong Huwebes, inatake ng Yemen's Iran-aligned Houthis ng missile ang airport sa Riyadh na nagresulta sa pagkasawi ng tatlong tao. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.