Batang angkas sa motorsiklo na lola niya ang rider, patay nang mabangga sila ng police mobile

Nasawi ang isang babaeng walong-taong-gulang matapos na mabangga ng police mobile ang sinasakyan niyang motorsiklo na minamaneho ng kaniyang 51-anyos na lola sa Koronadal City. Sa Tacurong City naman, nasawi ang 61-anyos na rider matapos mabangga ng isang Sport Utility Vehicle.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang banggaan ng motorsiklo at police mobile sa intersection ng traffic light sa bahagi ng Barangay Zone IV, nitong Martes ng umaga.
Isinugod sa ospital ang dalawa subalit hindi na umabot nang buhay ang batang biktima, habang sugatan ang lola.
Inaresto naman ang 30-anyos na pulis na may ranggong corporal na nagmamaneho ng police mobile, na posibleng maharap sa kaukulang reklamo.
Sa lakas ng pagkakabangga, nasira ang bahagi ng harapan ng police mobile, habang nagkalat naman sa kalsada ang gamit ng mag-lola.
Sa isang pahayag, nagpaabot ng pakikiramay ang Police Regional Office 12 sa pamilya ng mga biktima. Nangako silang magiging patas ang isasagawa nilang imbestigasyon.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng mga biktima, ayon sa ulat.
Samantala, nasawi naman ang isang 61-anyos na lalaking rider matapos na mabangga ng isang SUV sa national highway sa Barangay EJC Montilla sa Tacurong City nitong Martes ng hapon.
Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang rider, at nasira din ang motorsiklo. Napinsala rin ang unahang bahagi ng SUV.
Lumalabas sa imbestigasyon na nag-U-turn umano ang rider nang mabangga ito ng SUV na minamaneho ng 24-anyos na driver. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.