Zamboanga City mayor, nag-alok ng P2-M pabuya para madakip ang pumaslang sa Basilan judge

Nag-alok ang alkalde ng Zamboanga City ng P2 milyong pabuya para madakip ang mga salarin sa pag-ambush at pagpatay kay Isabela City, Basilan Regional Trial Court Judge Joseph Wee Sit. Ang Korte Suprema at Integrated Bar of the Philippines, kinondena ang krimen.
Pinagbabaril sa loob ng kaniyang sasakyan nitong umaga ng Huwebes si Sit sa Tumaga Putik Road sa Barangay Tumaga sa Zamboanga City.
Sa isang pahayag, sinabi ni Mayor Khymer Olaso, makatatanggap ng P2 milyon ang sinumang makapagbibigay ng “credible and verifiable information” upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin, magtuturo sa kinaroroonan ng mga ito, at magiging daan para sila madakip.
Layunin ng alok na pabuya na matulungan ang awtoridad na madakip ang mga nasa likod ng naturang krimen.
Matapos ang nangyaring pananambang, kaagad na nagpulong ang mga awtoridad at binuo ang isang Special Investigation Task Group (SITG) upang tutukan ang pagresolba sa krimen.
Sa isang pahayag mula sa Office of Spokesperson ng SC, mariing nitong kinondena ang ginawang pagpaslang kay Sit, na magdiriwang sana ng kaniyang ika-39 kaarawan sa Nobyembre 21.
Ayon sa SC, ang ginawang pagpaslang kay Sit ay “masakit na paalala sa mga panganib na kinakaharap ng mga naglilingkod sa ating mga hukuman.”
Dagdag pa nito, “Anumang karahasan laban sa ating mga hukom ay matinding banta sa katarungan at ating Kalayaan. Kapag ang mga hukom ay tinatakot, mapipigilan silang maghatid ng patas na desisyon. Ito ay panganib sa sistema ng katarungan at sa mga mamamayang umaasa rito upang maprotektahan ang kanilang mga karapatan.”
Ayon sa SC, makikipagtulungan ang kanilang tanggapan sa isinasagawang imbestigasyon ng pulisya para madakip ang mga salarin.
Naglabas din ng hiwalay na pahayag ang Integrated Bar of the Philippines upang kondenahin ang ginawang pagpatay kay Sit, at nanawagan sa pamahalaan at mga awtoridad upang lutasin ang krimen.
“Dapat gamitin ang lahat ng magagamit na yaman at kakayahan ng Estado upang agad matukoy, madakip, at mapanagot, hindi lamang ang mga salarin, kundi maging ang sinumang nag-utos, nagplano, tumulong, o nagkubli sa krimeng ito,” ayon sa IBP.
Nanawagan din ang IBP sa pamahalaan na palakasin pa ang mga hakbang para sa seguridad ng mga hukom at kawani ng hudikatura, “lalo na yaong mga nakatalaga sa mga lugar na may mataas na antas ng panganib.” – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.