Flood drill sa Maguindanao del Sur, naging totoong rescue operation matapos biglang bumaha

Naging totoong rescue operation sa mga residente ang isasagawa sanang flood drill matapos biglang bumaha sa Datu Montawal, Maguindanao del Sur.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabing sanib-puwersa ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office at mga pulis, mga taga-barangay disaster at Bureau of Fire Protection para saklolohan at ilikas ang mga residente mula sa binahang Barangay Talitay.
Nalubog din sa tubig ang Talitay Elementary School at ang designated evacuation center.
Sinabi ng MDRMO na walang ulan sa kanilang lugar ngunit rumagasa ang tubig mula sa mga kalapit na probinsya ng Cotabato at Bukidnon na magdamag na inulan.
Samantala, tatlong landslides ang naranasan sa Barangay Marilog Proper sa Davao City.
Natabunan ang dalawang motorsiklo ng landslide sa Purok Crossing.
Walang nasaktan sa insidente.
Umabot naman sa kalsada sa Purok Islid ang gumuhong lupa at mga debris kaya hindi ito madaanan ng mga residente.
Pinayuhan ang mga taga-roon na maging alerto at mapagmatiyag lalo tuwing umuulan. — Jamil Santos/RSJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.