Suspek, tila nakipag-patintero sa karera ng tindahan na kaniyang hoholdapin

Nahuli-cam sa Dipolog City, Zamboanga del Norte ang tila pakikipag-patintero ng armadong suspek sa kahera at tindera ng isang tindahan ng damit na kaniyang hoholdapin.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA News Saksi nitong Martes, pumasok sa tindahan ng damit ang suspek na may takip ang mukha at suot na helmet.
Sa kuha ng CCTV camera sa loob ng isang tindahan, makikita ang suspek na hinahanap ang kahera at isa pang babae sa tindahan na nagtatago sa mga naka-display na panindang damit.
Nang sandaling iyon, pinapabuksan na pala ng suspek sa mga babae ang kaha upang makuha niya ang pera.
Pero nakahanap ng tiyempo ang isang babae na nakalabas at sumigaw para humingi ng tulong.
Dito na tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo na walang plaka.
“Nang nagsalita yung lalaki na ‘buksan, buksan, sabi niya,’ Tapos sabi niya, ‘ayaw mo barilin kita.’ Parang naalarma sila sa ganun. Kaya naging alerto sila doon sa loob. Kaya kung titingnan yung video, nagpapatintero sila sa loob,” ayon sa may ari ng tindahan na si Ronald.
Inaalam na pagkakailanlan ng suspek na walang nakuha sa tindahan.
Kung bigo ang holdaper sa Dipolog, nagtagumpay naman ang mga holdaper na pumasok sa warehouse ng isang delivery hub sa Cotabato City.
Makikita sa video footage na armado ng baril ang dalawang lalaki na may takip ang mga mukha at tinutukan ang mga tauhan sa loob na inihahanda na ang ire-remit na pera.
Ayon sa pulisya, tinangay ng mga suspek ang mahigit P400,000 na pera.
Patuloy na hinahanap ng mga awtoridad ang mga suspek. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.