Magtiyuhin na hinihinalang naaksidente sa motorsiklo, natagpuang patay sa sapa sa Currimao, Ilocos Norte

Natagpuang patay ang dalawang lalaki sa isang sapa sa Currimao, Ilocos Norte. Nakita rin malapit sa kanilang mga bangkay ang isang motorsiklo na pinaniniwalaang sinakyan nila.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing nakita ang mga biktima na napag-alaman ng mga awtoridad na magtiyuhin sa isang sapa sa Barangay Lang-ayan.
Edad 23 ang tiyuhin na biktima, habang menor de edad naman ang kaniyang pamangkin.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nalaman na isang residenteng naglalakad sa lugar ang nakapansin sa isang tsinelas na nasa gilid ng kalsada.
Nang tumingin siya sa sapa na nasa ibaba, nakita niya ang dalawang biktima at isang motorsiklo.
Hinala ng pulisya, naaksidente ang dalawa, bumangga sa concreate railings at nahulog sa sapa
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang mga kaanak ng magtiyuhin, ayon sa ulat. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.