Pulis sa checkpoint, patay nang tamaan ng karatulang tumilapon matapos mabangga ng SUV sa Misamis Occidental

Patay ang isang pulis matapos siyang tamaan ng karatula na sinalpok ng isang sasakyan sa Jimenez, Misamis Occidental.
Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV, na iniulat sa GTV News Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood sa CCTV footage na naka-duty noon ang biktima sa isang checkpoint sa Barangay Butuay nitong Lunes.
Ilang saglit pa, biglang dumaan ang isang sasakyan at sinalpok nito ang karatula ng checkpoint na nasa gitna ng kalsada.
Tumilapon ang karatula sa lakas ng pagkakabangga, at tinamaan ang nakatayong pulis.
Agad isinugod sa ospital ang pulis, na nasawi kalaunan dahil sa mga tinamong sugat sa insidente.
Nasa kustodiya naman ng mga awtoridad ang driver ng SUV, na nagpositibo sa breathalyzer test o nasa impluwensiya ng alak.
Nahaharap ang driver sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide at paglabag sa Anti-Drunk Driving Act.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang driver, pati na ang kaanak ng nasawing pulis, ayon sa ulat. – Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.