Manager ng lending company, patay sa pamamaril sa Iloilo; dala niyang P300k cash, 'di kinuha ng mga salarin

Nasawi ang isang 36-anyos na manager ng isang lending company matapos siyang pagbabarilin ng riding in tandem habang bumibiyahe sakay ng kaniyang motorsiklo sa Dueñas, Iloilo. May dalang pera ang biktima pero hindi tinangay ng mga salarin.
Sa ulat ni Kim Salinas sa GMA Regional TV Ratsada Balita nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Punong Grande kaninang umaga.
Sakay ng motorsiklo ang biktima nang pagbabarilin siya ng mga salarin na sakay din ng motorsiklo.
Nagtamo ng tatlong tama ng bala ang biktima na binawian ng buhay habang ginagamot sa ospital.
Hinihinala ng mga awtoridad na may kinalaman sa trabaho ng biktima ang krimen. Kaagad umanong umalis ang mga salarin matapos ang pamamaril at walang kinuha sa mga gamit ng biktima.
Nakita sa motorsiklo ng biktima na mayroon itong dalang pera na aabot sa P300,000.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente, at pagtugis sa mga salarin.—FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.